AABOT sa 24,000 na mga nakalistang senior citizens sa Lungsod ng Maynila ang gumagamit ng pekeng dokumento para mabigyan buwanang cash assistance.
Ito ang kinumpirma ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso kung saan napag-alaman na aabot sa P148 million kada taon ang nawawala sa kaban ng lokal na pamahalaan ng lungsod at napupunta lamang sa mga nagpapanggap na senior citizens.
Nabatid din ng alkalde na ito rin ang naging dahilan ng pag- delay ng pagbibigay ng PayMaya cards simula nga nilinis ng Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) ang mga listahan sa lungsod.
Giit ni Yorme, naantala at nasakripisyo ang mga senior citizens sa pagtanggap ng tulong pinansyal noong Pasko dahil sa manual na pamamaraan.
Ani Yorme, sa 24K na mga pekeng pangalan ng mga senior citizens ay matatapon lamang ang pera ng gobyerno na parang bula.
Dagdag din ng alkalde na hindi rin masisi na maging masinop ang lungsod ngayon hinggil sa pagbibigay tulong pinansyal dahil bago pa man umupo bilang punong lungsod si Domagoso ay inabuso na itong OSCA ID gayunpaman ay naiaabot pa rin naman ang tulong kahit sa manual na paraan.
Ayon naman kay Senior Citizens’ Affairs (OSCA) head Marjun Isidro nasa 85K na mga senior citizens ang nakatanggap na ng PayMaya cards habang 60,000 pa rin dito ang patuloy na pinoproseso.