Penalty para sa may-ari ng MT Princess Empress, umabot sa mahigit P317-M

Penalty para sa may-ari ng MT Princess Empress, umabot sa mahigit P317-M

INIHAYAG ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dahil sa malaking oil spill sa Oriental Mindoro ay umaabot na sa mahigit P317-M ang halaga ng penalty na maaring ipataw sa may-ari ng MT Princess Empress.

Ayon sa DENR, dalawang rehiyon ang naapektuhan ng oil spill, ito ay ang Region 4A at Region 6.

Sa mahigit P317-M na fine, katumbas ito ng mahigit P400-K na fine na dapat bayaran ng may-ari sa kada araw simula nang mangyari ang oil spill noong Pebrero 28.

Maliban diyan patong-patong na kaso ang isinampa ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) laban sa shipowners kasama ang ilang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).

Ilan dito ay ang Falsification of Documents, Use of Falsified Docs Perjury at Graft na nakapending na sa tanggapan ng Ombudsman.

Ayon kay DOJ Usec. Raul Vasquez, mayroon pa silang potential case na ihahain laban sa mga respondents.

DOJ may binuong taskforce na sisilip sa mga maritime disaster sa nakalipas na 10 taon

Samantala, mayroon ring binuong bagong taskforce ang DOJ na sisilip sa mga nagdaang trahedya sa karagatan o ang Maritime Disaster Taskforce.

Ito ay para mapanagot din umano ng ahensiya ang mga dapat managot sa mga maritime disaster na nangyari sa karagatan sa nakalipas na 10 taon.

Kasama na dito ang mga nangyaring trahedya sa Binangonan at Romblon.

Sa ngayon ay manageable na ang oil spill sa Mindoro at inaasikaso na ngayon ng ahensiya ang maaring makuhang insurance.

Follow SMNI News on Rumble