INIHAYAG ng Embahada ng Pilipinas sa China na isusulong nito ang people-to-people exchanges.
Kasabay nito, hinimok ng Philippine Embassy ang mga Pinoy sa naturang bansa na mag-aral ng Chinese language.
Inilatag ng Philippine Embassy to China ang mga programa at proyekto na pagtutuunan ng pansin ng embahada ngayong 2023, para sa kapakanan ng mga Pilipinong naroon.
Ayon kay Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz, isa sa nais nilang isulong ang tinatawag na people-to-people exchanges.
Saysay ni FlorCruz, gustong tutukan ng embahada na mas maraming magkaroon ng exchanges, gaya na lamang sa larangan ng edukasyon.
Kailangan aniyang maengganyo ang mas maraming Pilipino na mag-aral sa Tsina, partikular sa lengguwahe nito.
Ito’y upang mas maintindihan ng mga ito ang iba’t ibang bagay na mahalagang malaman at higit na makatutulong sa bawat isa.
Mainam din na pag-aralan ng mga Pinoy sa Beijing ang iba’t iba pang aspeto ng siyensiya at arts.
“Alam ko hindi siguro masyadong alam sa atin, marami na pong breakthrough ang China sa ilang larangan ng siyensiya o teknolohiya. Marami pong innovation ang China, halimbawa iyong renewable energy sa battery storage. Iyong mga ganoon po ay puwede nating pag-aralan. At gusto po natin na mas maraming mga Pilipino ang mag-aral, matuto ng Tsino para mas maintindihan natin ang ating kapitbahay,” saad ni Amb. Jaime FlorCruz, Philippine Ambassador to China.
Sa kabilang banda, nais din ni FlorCruz na maraming Tsino ang makabisita sa Pilipinas.
Ito’y upang mas maintindihan ng mga Tsino ang kultura, kasaysayan at iba pang aspeto sa pamumuhay ng mga Pilipino.
“At the same time, gusto rin po nating mas maraming mga Tsino na makabisita sa Pilipinas para mas maintindihan nila ang ating kultura, ang ating kasaysayan at ang kalagayan ng ating bansa ngayon. Iyon po ang isa sa gusto naming isulong, people-to-people exchanges,” aniya pa.
Samantala, sinabi naman ni FlorCruz na nakatitiyak siyang magkakaroon ng state visit si Chinese President Xi Jinping sa Pilipinas sa gitna ng imbistasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ngayon, wala pang petsa kung kailan ang naturang state visit dahil inaayos pa ang iskedyul ng dalawang lider ng bansa.
“Wala pa po, wala pa pong possible dates. Marami po kasing mga … puno rin ang kalendaryo ng dalawang Presidente kaya iaayos pa po iyon. But in principle, naibigay na po ang ating imbitasyon. At hindi ho ako magtataka na for sure within the year ay magkakaroon tayo ng state visit,” dagdag pa ni FlorCruz.
Samantala, muling tiniyak ni Ambassador FlorCruz na handa lagi ang tanggapan ng embahada para maghandog ng kinakailangang tulong sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa China.