SA ikaanim na araw ng “Laban Kasama ang Bayan” Prayer Rally, hindi napigilan ng beteranong brodkaster na si Jay Sonza na maglabas ng kaniyang pananaw ukol sa mainit na isyu na kinakaharap ng bansa ngayon.
Partikular na tinira ni Sonza ang isinusulong na People’s Initiative (PI) ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez.
Nais kasi ng mga mambabatas na baguhin ang Saligang Batas partikular ang mga economic Cha-Cha na umano’y makakahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan.
Pero, halatang-halatang aniya na hindi ito ang totoong layunin na gusto ng mga mambabatas.
Dahil,
“’Yang PI na yan, ang dami nilang palusot pero ang totoo niyan gusto lang nila na makubo ‘yung pamunuan. So, ‘yan ang gusto nila, pataksil. Gusto nilang baguhin ang Saligang Batas kunwari para maganyak ng mga capital pero ang totoo niyan ang talagang layunin nila ay mabago ang sistema ng gobyerno para mapanatili ang Romualdez, Marcos, at Araneta.”
Sa oras kasi na magtagumpay ang mga ito sa kanilang layunin ay awtomatikong mawawala sa pagiging bise presidente si Sara Duterte at magkakaroon na ng prime minister na hindi naman aniya hahayaan ng taumbayan.
Punto pa ni Sonza, ang daming ginawang estilo ng mga mambabatas upang linlangin ang taumbayan sa pamamagitan ng pamamahagi ng ayuda.
Gumagawa aniya sila ng hakbang hindi lang para mabago ang konstitusyon kung hindi pagkaperahan pa.
Patunay aniya rito ang P12-B na budget ng Commission on Elections (COMELEC) para magkaroon ng plebisito, P26-B para sa DSWD para sa umano’y ayuda at P127-B sa DPWH na ilalabas lamang para sa tanggapan ng House Speaker.
Dagdag pa rito, hindi raw basta-basta nilalabas ang nasabing mga halaga kung hindi dadaan sa kaniyang asawang si Yedda Romualdez na siyang chairman ng House Committee on Accounts.
“Sa madaling salita ito ay conjugal corruption to its higher level,” saad ni Jay Sonza, Veteran Broadcaster.
Kinakailangan din aniyang maipaliwanag nang husto ng Kongreso kung paano nila ginagasta ang pera ng bayan at hindi lamang sa pamamagitan ng isang certificate.
Napakahalaga aniya para sa taumbayan na transparent ang mga ito laban sa anumang uri ng korapsiyon.
Ani Sonza tila talamak ito ngayon sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Nabatid na naging kontrobersiyal ang bentahan ng pulang sibuyas na umabot P700/kg dahil sa umano’y shortage.
Iba pa rito ang biniling sibuyas ng Department of Agriculture sa ilang trader ng mahal ngunit ibinenta sa mababang halaga.
Bukod diyan, mainit ding usapin ang biniling palay ng National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka.
Kung saan, binili ng mahal sa magsasaka at ibinenta ng NFA sa mga negosyante sa presyong dehado ang gobyerno.
“So, ‘yan po ang nagdudumilat na katotohanan, kailangang matapos ito, kailangang magwakas ito,” ani Sonza.
“Alam ko oras na lang ang binibilang pero may masisipa diyan sa crocodile park,” ayon pa kay Sonza.
Sa huli, sinabi ng beteranong brodkaster na malaking bagay ang ginawang “Laban Kasama ang Bayan” Prayer Rally upang maipaalam sa taumbayan ang nangyayaring iregularidad sa pamahalaan.
Ang naturang rally ay bukas sa lahat ng mamamayang Pilipinong handang ipaglaban ang bansa upang maibalik sa taumbayan ang kapangyarihan at kalayaan.