ISANG masamang lasa ang iniwan ng People’s Initiative (PI) sa mga tao kaugnay sa pagsusulong sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Si Sen. Win Gatchalian, ang nagsusulong ng pag-amyenda sa ilang economic provisions sa 1987 Constitution ay dismayado sa pangyayari.
“Pag-iisip ko diyan, ‘yung People’s Initiative ang naka-damage sa isip ng tao. Dahil sa PI tingin ng tao ay hindi maganda ang Cha-cha. Whether economic or political basta Cha-cha ‘di maganda,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.
Batay sa survey ng Pulse Asia na inilabas noong Marso 27, 2024, 88 percent ng respondents ang hindi pabor na amyendahan ang 1987 Constitution ngayon, at tanging walong porsiyento lamang ang pabor dito.
Para kay Gatchalian, ito ay dahil sa bangayan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Matatandaan na sa mga nakaraang buwan ay sunud-sunod ang parinigan sa ere ng Senado at Kamara dahil sa kontrobersiyal na P.I.
Dagdag pa ni Gatchalian, ‘di rin nagustuhan ng mga tao ang umanoy suhulan at kurapsiyon sa P.I.
Si House Speaker Martin Romualdez ang pinaniniwalaang nasa likod ng P.I. ayon kay Sen. Imee Marcos.
“Napakataas nung against, 88 percent to be exact. I think in the previous survey, I think nasa around 50. Almost 50-50 in the past. Ngayon nasa 80/20 na ayaw versus gusto,” ani Gatchalian.
Dahil dito, naniniwala si Gatchalian na magiging hamon para sa mga senador na kumbinsihin ang mga tao.
Ipinunto niya na kahit maayos na maipaliwanag ‘yan sa Senado ay ibang usapan naman ang pagkumbinse sa labas ng Senado.
“Dahil ngayon ang trabaho namin ay makumbinse ang 88 percent. Dapat palitan namin ang kanilang pag-iisip. Hindi sila ‘yung undecided na pwede mag yes or no. Ngayon ang kanilang pag-iisip ay ayaw nila eh,” dagdag pa nito.
Sa Senado tinatalakay ang economic Cha-cha sa pamamagitan ng pagdinig sa Resolution of Both Houses Number 6.
Ito ay batay sa hiling ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na repasuhin ang mga panukala na amyendahan ang ilang probisyon ng Constitution.