MULING binomba ng water cannon China ang dalawang barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc nitong Disyembre 4.
Binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard (CCG) ang BRP Datu Pagbuaya habang hinarang naman ng People’s Liberation Army (PLA) Navy vessels ang BRP Teresa Magbanua.
Ibinahagi ni National Maritime Council (NMC) Spokesperson Undersecretary Alexander Lopez na nagpadala ang pamahalaan ng coast guard at barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para magpatrolya sa karagatan at magbigay ng suporta sa mga mangingisda na nasa Bajo de Masinloc at Escoda Shoal.
‘’Ang suporta nito ay para bigyan sila ng pagkain at fuel para humaba ang kanilang pangingisda doon sa mga lugar na iyon. Unfortunately, iyong papunta iyong ating BFAR at saka Coast Guard vessels doon, hinarang ng coast guard vessel at sinaydswipe no,’’ ayon kay USec. Alexander Lopez Spokesperson, National Maritime Council.
Sinabi ni Lopez na ito ang unang pagkakataon na tumulong ang People’s Liberation Army ng China sa umano’y pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas.
‘’Nakita natin na mayroon ding presensiya ng isang PLA Navy. Basically, bago ito kasi dati noon nasa background lang sila eh, pero ngayon sila ay lumapit at nakiisa sila doon sa pagmamatiyag at pagba-block ng path ng ating Coast Guard at BFAR vessels,’’ saad ni USec. Alexander Lopez.
Umaasa naman ang NMC na ang pagtulong ng People’s Liberation Army ng China ay hindi isang pahiwatig ng lumalala pang tensyon sa lugar.
Sa ngayon, ani Lopez, patuloy ang assessment kaugnay ng naging pinsalang natamo ng mga barko ng Pilipinas.
May tugon naman dito ang China. Muling iginiit ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Lin Jian na ang Huangyan Dao o Chinese name ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, ay teritoryo ng China.
Salaysay pa nito, nagpadala ang Pilipinas ng Coast Guard at mga opisyal na sasakyang pandagat doon at sinubukang pumasok sa territorial sea ng China na nakapalibot sa Huangyan Dao.
Kaya bilang tugon sa hakbang ng Pilipinas, ginawa ng China ang kinakailangan upang maprotektahan ang kanilang territorial sovereignty maging ang mga karapatan at interes sa pandagat alinsunod sa batas. Ang mga hakbang ay makatwiran, naayon sa batas, propesyonal at restrained.
“China did what was necessary to protect our territorial sovereignty and maritime rights and interests in accordance with the law. The measures are justified, lawful, professional and restrained,” Lin Jian Spokesperson, Chinese Foreign Ministry said.
Nananawagan ang China sa Pilipinas na itigil kaagad ang mga paglabag at probokasyon. Ipinanawagan din ng China na huwag hamunin ang matatag na desisyon ng China na ipagtanggol ang mga naayon sa batas na karapatan at interes ng kanilang bansa.
“China calls on the Philippines to stop those infringement activities and provocations at once and not to challenge China’s firm resolve to defend our lawful rights and interests,” Lin Jian added.