“Personal ECQ” ipinanawagan ng OCTA Research sa publiko

UMAAPELA ngayon ang OCTA Research group sa publiko na magsagawa ng “personal ECQ” o personal quarantine upang mapigilan ang patuloy na paglobo ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Pakiusap ng grupo sa publiko, kung maaari ay mag-work from home na lamang muna ang mga empleyado at umiwas sa mga aktibidad na maaaring pagmulan ng hawaan.

Paghihimok nito, huwag na munang pumunta sa mga restaurants, malls at ibang pampublikong lugar kung hindi kinakailangan.

Mas makabubuti aniyang hintayin muna na ma-contain ang kinahaharap na surge bago lumabas ng tahanan.

Pinaalala din nito ang kahalagahan ng istriktong pagsunod sa minimum health standards upang mapabagal ang pagkalat ng sakit.

Nauna nang inihayag ng grupo na posibleng pumalo pa sa hanggang 11,000 kada araw ang daily COVID-19 cases kung magpapatuloy ang kasalukuyang reproductive rate.

Samantala, umakyat na ng 2.3 ang reproduction rate ng COVID-19 o ang bilang ng taong kayang mahawaan ng isang positive patient.

Ayon kay Guido David, miyembro ng OCTA Research group, ito ay sa kabila ng bumabagal na transmission sa hit-areas gaya ng Pasa, Malabon at Navotas.

Ani David, kasabay nito tumataas naman ang kaso sa ibang lugar sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan gaya ng Rizal, Cavite at Bulacan.

Kaya naman kinakailangan aniya ang kontribusyon ng bawat isa sa pananatili sa kani-kanilang bahay at pag-iwas sa leisure activities.

Umaasa naman si Guido namakatutulong ang pagpapatupad ng unified curfew upang mapababa muli ang naitatalang kaso ng sakit.

(BASAHIN: 13 lungsod sa NCR, kasali sa mga lugar na may biglaang pagtaas ng COVID-19 cases)

SMNI NEWS