Pertussis outbreak, kontrolado na—DOH

Pertussis outbreak, kontrolado na—DOH

TILA nagbigay ng katiyakan ang Department of Health (DOH) na hindi na dapat ikabahala ang pertussis o whooping cough outbreak sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang nasabing sakit na kung saan 49 ang naitalang patay ay kontrolado na.

“Parang controlled na sya, parang nagpa-plateau, but we’re closely monitoring,” pahayag ni Sec. Ted Herbosa, Department of Health (DOH).

Dagdag din ng kalihim patuloy na minomonitor ng ahensiya ang sakit sa pamamagitan ng Regional Epidemiology Surveillance Unit.

Mahalaga aniya na mabigyan ng proteksiyon ang populasyon mula sa pertussis, partikular na ang mga bata na nasa 0-5 years old na kadalasang nagkakasakit nito.

Dahil dito hinihikayat ni Herbosa ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

“The vaccination program continue. Kung ang iyong anak ay nasa age group na ‘yun from 0-5 ay kailangan ma-schedule na ang kanilang bakuna. Kung ‘di pa nabukan di pa naman huli. Pwede pa ring magpabakuna,” ayon pa kay Herbosa.

Pero sa kabila nito ay nilinaw ni Herbosa na ang mga asymptomatic lamang ang binabakunahan.

Ibig sabihin hindi puwedeng turukan ang mga may nararanasang lagnat at iba pang sintomas.

Ang DOH ay may 1.5 million na bakuna para sa pertussis.

Inaasahan naman na may darating pa na karagdagan mula sa bansang India.

“Nag order na kami ng additional of supply. Pero iniisip pa namin kung gaano karami kasi hindi ganun kabilis ‘yun. It’s not like on the shelf. Ipapa-manufacture pa sya kung kaya’t 120 days ang sabi sa amin ng Serum Institute of India,” aniya.

Sa ngayon, tatlong lokal na pamahalaan na ang nagdeklara ng outbreak ng pertussis.

Kabilang dito ang Pasig City, Quezon City, at Iloilo City naman sa Visayas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble