Petisyon na magpapatalsik kay suspended Bamban Mayor Alice Guo sa puwesto, inihain na ng OSG sa Manila RTC

Petisyon na magpapatalsik kay suspended Bamban Mayor Alice Guo sa puwesto, inihain na ng OSG sa Manila RTC

TULUYAN nang naghain ng Petition for Quo Warranto ang Office of the Solicitor General (OSG) laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Manila Regional Trial Court (RTC) para sa pagpapatalsik nito sa puwesto dahil hindi ito isang Filipino citizen.

Nakasaad sa 45 na pahinang petisyon, na batay sa records, si Guo Hua Ping o a.k.a. Alice Guo ay isang Chinese national at holder ng Chinese passport at anak ng dalawang Chinese national na si Lin Wenyi at Guo Jian Zhong.

Ang Alien Fingerprint Card ni Guo sa kaniyang araw ng kapanganakan, kaarawan at sa kaniyang home country address na Fujian, China at ang kaniyang nationality bilang Chinese ay nag-match o tumugma anito sa mga isinumite ni Lin Wenyi.

Ang paggamit nito ng Chinese passport ay maipapakita umano sa travel records na hawak ng Bureau of Immigration (BI).

Sa travel records ng BI, July 12, 1999 nang unang dumating si Guo sa bansa gamit ang Chinese passport.

Sa report naman ng NBI, ang fingerprint ni Guo Hua Ping sa alien fingerprint card nito noong Marso 28, 2006 at ang fingerprint ni Alice Guo sa biometric print out ng master files sa NBI ay galing sa iisang tao.

Sinasabi rin sa petisyon na hindi naging Filipino citizen sa pamamagitan ng kapanganakan o naturalization si Guo.

Hindi anito legal o makakatotohanan ang basehan ng late registration para sa birth certificate ng suspendidong alkalde dahil ang mga pangalan na inilagay nitong mga Pilipinong magulang ay hindi nag-eexist dahil wala itong record ng kanilang kapanganakan, kasal o kahit death records ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Naniniwala ang OSG na usurpation ang ginawa ni Alice Guo at hindi ito eligible na humawak ng posisyon sa gobyerno.

Apela nito sa korte na maipawalang bisa ang proklamasyon kay Guo bilang Mayor ng Bamban at mapatalsik ito sa puwesto.

Bago ang naturang petisyon, matatandaang naghain na ng apela ang OSG sa Tarlac RTC para sa pagpapakansela ng birth certificate ni Mayor Guo.

Nakatakda ang pagdinig sa petisyon sa buwan ng Setyembre.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble