PGH, naghahanda na para sa vaccination ng 5,000 empleyado

MATINDING preparasyon ang ginagawa ngayon ng Philippine General Hospital (PGH) para sa pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario.

Aniya, naghahanda na para sa aktuwal na vaccination ang buong management ng ospital dahil unang babakunahan ang mga empleyado nito pagdating ng mga vaccine sa bansa.

“We’re really getting ready for the actual vaccination kasi ang sabi sa’min pgh daw ang mauuna at as early as next week dadating na ang vaccine,” pahayag ni Del Rosario.

Kabilang ang PGH sa mga first COVID-19 Referral Centers sa Manila.

Saad ni Dr. Del Rosario hindi baba sa 5,000 employees ng ospital ang nakatakdang babakunahan.

Nasa 75% sa naturang bilang ang nagsabing payag silang magpabakuna ayon sa naging resulta ng ginawang survey ng ospital nitong nakaraang buwan.

Dagdag ni Del Rosario, hinahanda na rin ng PGH ang set-up nito para sa actual vaccination.

Nasa last phase na rin aniya ng training ang mga nurse ng ospital na magiging vaccinators.

“We’re also revving up on our setup; nurses who will be vaccinators are in their last phase of training,” dagdag ng doktor.

Matatandaang sinabi ng Palasyo na maaari ng simulan ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa susunod na linggo.

Sunod-sunod rin ang ginawang simulation exercises ng pamahalaan bilang paghahanda sa pagdating ng mga bakuna.

SMNI NEWS