PGH, nilinaw na tumatanggap pa rin ng non-COVID-19 patients

NILINAW ng University of the Philippines- Philippine General Hospital (UP-PGH) na bukas pa rin ito para sa non-COVID-19 patients.

Ngunit sa ngayon tanging mga pasyente na may life threatening conditions lamang muna ang aasikasuhin.

Ayon kay  UP-PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, mag-aasikaso pa rin ng walk-in patients ang ospital pero ang maaari lamang muna ay mga pasyente na nasa emergency conditions.

 “Tumatanggap pa kami ng ibang pasyente na non-COVID. Pero naglabas kami ng public advisory na ang emergency room sa ngayon habang naghahanap ng kama para sa COVID, ang tatanggapin namin mga life-threatening conditions, naaksidente, trauma, manganganak… imminent deliveries,” pahayag ni Legaspi.

Ayon kay Legaspi ang naging pakiusap ng pamunuan ng ospital sa publiko ay kung maaari ang mga pasyenteng hindi kabilang sa nabanggit na kategorya ay dalhin muna sa ibang ospital.

Binigyang-linaw rin ng UP-PGH director na may kapasidad pang mag-asikaso ng mga COVID-19 patient ang ospital.

“It’s not true that we are being overrun by COVID patients. Na-overrun kami ng non-covid patients nitong nakaraang buwan kaya mag-a-adjust kami uli,” paglilinaw ni Legaspi.

Dagdag ni Legaspi, nagbukas na ng mga panibagong ward ang UP-PGH upang maibalik na nito ang kanilang dating kapasidad kung saan kahit pa may naa-admit na COVID-19 patient, humigit-kumulang 150 hospital beds pa rin ang nanatiling bakante.

Matatandaang nagdulot ng pangamba sa publiko ang mga ulat kamakailan na tumigil na sa pagtanggap ng walk-in patients ang UP-PGH dahil puno na umano ng mga pasyenteng naimpeksyon ng COVID-19 ang naturang ospital.

Health care system ng Pilipinas vs. COVID-19, hindi pa full capacity – Palasyo

Patungkol naman sa kapasidad ng health care system ng bansa, nilinaw ng Malacańang na wala pa ito sa full capacity.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na bagama’t lumubo pa ang bilang ng kaso ng coronavirus, handa pa rin ang bansa na tugunan ito.

 “60% po ang ating available ICU beds, 65% available isolation beds, 75% available ward beds,” ayon kay Roque

Saad ni Roque, sa mga panahong isinailalim sa lockdown ang Pilipinas, ginamit ito na pagkakataon ng bansa upang palakasin ang kapasidad ng mga ospital para sa mga COVID-19 patients.

Ang Pasay General Hospital at Cardinal Santos Medical Center halimbawa ay nanatiling nasa manageable level ang kanilang hospitalization rate.

Pag-relax ng publiko sa pagsunod ng health protocols posibleng rason sa pagdami ng kaso ng COVID-19

Paliwanag naman ni Dr. Manuel Dayrit, former Secretary of Health, na posibleng dahilan ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 ng bansa ang pagre-relax ng publiko sa pagtalima sa health protocols.

“The surge is actually due to a dropping compliance [with health protocols], which can be fixed, and increase in mobility…..the economy,” ani Dayrit.

Aniya base sa pag-aaral ng OCTA Research at iba pang datos kung dumami ang bilang ng mga taong lumalabas at bumaba ang pagsunod ng publiko sa mga protocol, tiyak na tataas rin ang bilang ng mga mahahawaan.

Giit ni Dr. Dayrit dapat masiguro na ang mga lalabas na indibidwal ay talagang susunod pa rin sa minimum health standards dahil iyan ang immediate response upang mapigil ang pagkalat ng coronavirus.

SMNI NEWS