PGH, pansamantalang itinigil ang pagtanggap ng walk-ins dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19

PANSAMANTALANG itinigil ng Philippine General Hospital (PGH) ang pagtanggap ng mga pasyente sa out-patient departments nito upang mapigil ang paglaganap ng COVID-19 sa pasilidad.

Ayon kay PGH spokesperson Jonas del Rosario, kailangan muna ng online appointment bago payagang makabisita ang mga pasyente sa kanilang mga doktor.

Maliban dito, itinigil din ng PGH ang clinical rotation ng mga 4th year at 5th year medical students upang maiwasan na ma-expose ang mga ito sa virus.

Ang nasabing aksyon ay ipinatupad ng nasabing ospital matapos naitala ang isang kaso ng mas nakahahawang COVID-19 South African variant sa mga pasyente nito sa COVID-19.

Kasalukuyan namang isinailalim sa quarantine ang 88 na medical personnel ng PGH matapos na magpositibo ang 25 na healthcare workers ng ospital ngayong buwan.

Ayon pa kay Del Rosario, tumaas ang hospital admission dahil sa COVID-19 at aniya nakababahala ang pagtaas ng bilang nito.

Dagdag pa ni Del Rosario, nakahanda ang ospital na maglaan ng 200 beds para sa COVID-19 patients kung kinakailangan.

Samantala, nakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang Metro Manila matapos naitala ang 3,439 bagong kaso noong Sabado, Marso 6.

Ito na ang pinakamataas na kasong naitala ng bansa simula noong kalagitnaan ng Oktubre 2020.

Ayon sa pagtaya ng OCTA Research, magkakaroon ng 5,000 hanggang 6,000 na bagong kaso ng COVID-19 sa katapusan ng Marso matapos nakitaan ng pagtaas ng kaso nito sa magkakasunod na araw.

Sa huling monitoring report ng OCTA Research, naitaya na magkaroon ng 2,000 bagong kaso ng COVID-19 sa bawat araw pagdating sa Marso 21, habang magiging 3,000 kaso bawat araw naman pagdating sa Marso 31 at sa katapusan ng Marso ay aabot sa 5,000 hanggang 6,000 ang bagong kaso nito.

SMNI NEWS