PH Army paiigtingin ang mga programang magpapabalik-loob sa mga rebelde

PH Army paiigtingin ang mga programang magpapabalik-loob sa mga rebelde

BALAK ngayon ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army na mas palakasin pa nila ang kanilang mga programa’t kasalukuyang hakbang.

Ito’y para mas mahikayat pa ang mga natitirang miyembro ng komunistang teroristang grupo na sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan.

Ang bawat tao’y dumadaan sa mga pagsubok. Maaaring ito’y mga pagkatalo, pagkakamali, o matinding kabiguan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, may mga panahon na binibigyan tayo ng buhay ng pangalawang pagkakataon. Ang pagbabagong buhay ay isang proseso para matuto mula sa ating mga pagkakamali at paghahanap ng mas mabuting daan patungo sa hinaharap.

Ito ngayon ang layunin ng ating mga kasundaluhan, ang gabayan at mabigyan ng pag-asa ang ating mga kababayan na dati’y naligaw ng landas dahil sa maling ideolohiya’t panlilinlang ng mga komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF.

Kaya naman malaking tulong para sa mga dating rebelde na sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan ang mga ginagawang hakbang at mga programa ng gobyerno.

Kagaya na lamang ng ginawang inisyatibo ng 80th Infantry Battalion kung saan hindi lang nila binigyan ng bagong tahanan ang mga ito kundi binigyan din nila ito ng mapagkakakitaan.

Taong 2022 nang binuksan ng 80IB ang “Balai Cafe,” isang livelihood program na nag-aakay sa mga dating rebelde sa kanilang pagsisimula na bumalik sa lipunan.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News sa dating kumander ng 80IB na si Col. Erwin Comendador, sinabi nito na kaya nila binuo ang naturang programa’y para punan ang sa tingin nila’y kulang sa mga hakbang ng gobyerno. Si Comendador ay Assistant Chief of Staff for Operations sa ilalim ng G3 ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army ngayon.

“Ang Balai Cafe, isa itong programa na livelihood program para sa ating mga former rebels. Balik-tanaw tayo noong taong 2022, noong ako’y isang battalion commander, meron po dito sa 80th Battalion mga surrenderees o mga tinatawag natin na former rebels. Nandito po sila para tulungan sa kanilang reintegration program. Habang nandito sila sa battalion, tinutulungan natin para sa pagtanggap ng kanilang E-CLIP, ‘yong mga natatanggap nilang programa mula sa gobyerno.”

“We do appreciate ‘yong mga efforts ng government, but medyo may kulang. So habang nandito sila, nakita natin ang potential na magkaroon ng isang programa, isang business livelihood program para sa kanila. Ipinatayo po natin ito,” pahayag ni Col. Erwin Comendador, Assistant Chief of Staff, G3, 2ID, Philippine Army.

Ani Comendador, sa pamamagitan ng “Balai Cafe,” maipapadama sa mga dating rebelde ang pagmamahal ng isang pamilya na matagal nilang hindi naramdaman.

“Ang tinitingnan po namin is something—there’s hope para sa kanila. So kaya tinawag nating ‘Balai’ kasi sa isang bahay, doon natin nararamdaman na nakakasama natin ang ating mga pamilya, na kung saan ito ang hindi nararanasan ng isang rebelde sa loob ng taon-taong pagsasama niya sa hukbo. So binigyan natin sila ng bahay o ‘Balai.’”

“Where they feel safe sa lahat, na wala silang pangamba na hinahabol ng mga government forces. So here they are sa Balai Cafe,” dagdag ni Comendador.

Maliban dito, tinuturuan din nila ang mga dating rebelde kung paano magnegosyo at tumayo sa sarili nilang mga paa.

“Habang nandito sila, tinuturuan natin sila kung paano ‘yong management, marketing, inventory. It’s really how to manage a simple business. Kasi kapag sila ay nagre-integrate na ngayon sa society, kailangan nilang magkaroon ng sarili nilang negosyo o livelihood na hindi na sila aasa pa sa tulong ng gobyerno. Meaning to say, something sustainable sa kanilang everyday living,” aniya.

Bukas naman aniya silang tumanggap ng tulong mula sa lokal na pamahalaan at pribadong sektor para mas mapalakas pa ang naturang programa.

Sa huli, umaasa ang opisyal na sa pamamagitan ng mga ginagawang hakbang ng gobyerno ay mahikayat pa nito ang mga natitira sa kabundukan na magbalik-loob na sa pamahalaan at itigil na ang armadong pakikibaka.

“And hoping that one day, lahat ng ating mga kapatid na nasa bundok pa, na nalinlang, ay sana bumaba na kayo. May programa ang ating gobyerno. Meron ang Balai Cafe—isa lang po ito sa napakaraming programa ng ating gobyerno, hindi lang naman ang E-CLIP. So, I encourage everyone na nasa kilusan pa, halina kayo, yakapin natin ang programa ng gobyerno towards future Philippines, looking forward for a safe and better Philippines na wala na tayong problema sa insurhensiya,” dagdag nito.

Ngayon na kabilang na aniya siya sa operations ng 2ID, pinag-aaralan nila kung paano pa nila palalawakin ang livelihood programs sa ilalim ng pamamahala ng mga sundalo.

“Ito po talaga isa sa mga tinitingnan natin. Mag-expand po tayo, lalong-lalo na dito sa area ng 2nd Infantry Division na marami na pong business establishments. Isa ngayon ito sa mga pinag-aaralan natin, specially sa mga nabubuo nating people’s organization. Isa, mag-branch out po tayo, hindi lamang for a Balai Cafe kasi marami ring ibang programa ‘yong ibang battalion pagdating dito sa mga livelihood programs. But isa na ang Balai Cafe na puwede nating i-expand, and ongoing po ‘yong ating study,” aniya.

Mahalaga ang mga programa ng pamahalaan para matigil ang insurhensiya dahil ito’y nagbibigay ng mga solusyon sa mga ugat ng problema na nagiging sanhi ng hindi pagkakaunawaan at kaguluhan sa bansa. Kaya naman itutuloy ng 80IB ang kanilang mandato para mapanatili ang kapayapaan sa pamamagitan ng mga programa ng gobyerno.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble