MULING iginiit ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Roy Galido na niloko at pinagtaksilan sila ng dalawang diumano’y environment activists na sina Jhed Tamano at Jonila Castro.
Kaugnay ito sa unang pahayag ng dalawa na sila ay kusang sumuko sa poder ng pamahalaan mula sa kamay ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Kalauna’y, binawi rin ng dalawa ang kanilang salaysay at idiniing sila ay dinukot, sinaktan at pinagbantaan ng militar.
Sa isinagawang meet and greet sa mga miyembro ng media, araw ng Huwebes Setyembre 21, 2023, kinondena ni LtGen. Galido ang tinuran ng dalawang rebelde kasabay ng pagsuporta sa kasong perjury na isasampa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban kina Tamano at Castro.
Ayon pa kay Galido, paiiralin nila ang batas ng Pilipinas at maipalalabas ang katotohanan mula sa mga alegasyon at paratang ng makakaliwang kilusan.