PH Army, target maaresto ang 7 top leaders ng CTG bago ang BSKE

PH Army, target maaresto ang 7 top leaders ng CTG bago ang BSKE

TARGET ngayon ng Philippine Army na maaresto ang 7 top leaders ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Panay at Negros Islands bago ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30, 2023.

Ito ay upang matiyak ang kaligtasan sa araw ng halalan.

Sa isang panayam nitong Huwebes, Setyembre 14, sinabi ni Lt. Col. J-Jay Javines, chief, 3rd Division Public Affairs Office (DPAO), habang hindi nahuhuli ang pitong pinuno ng kumunistang grupo ay makapagbibigay pa rin ito ng utos sa kanilang mga miyembro upang makagambala sa araw ng eleksiyon.

Ani Javines, kapag naaresto ang mga ito ay magkakaroon ng “leadership breakdown”.

Hindi aniya makakagalaw ang mga miyembro kung walang direksiyon mula sa mga pinuno.

Kinilala naman ng Philippine Army ang pitong lider ng CPP-NPA na sina Ma. Concepcion Bocala, alias Concha, 1st deputy secretary of Komiteng Rehiyon-Panay (KR-Panay); Roberto Cabales, alias Ted/Lloyd/William, secretary, Central Front, KR-Panay; Roberto Gomia, alias Toto/Miller, 1st deputy secretary, Southern Front, KR-Panay; Severino Geonago alias Berin/Dario/Tisoy, political guide, Team 2, Squad 1, SYP Platoon of KR-Panay; Nahum Camariosa alias Bebong, commanding officer, SYP Platoon, Southern Front , KR-Panay; Arlo Vargas, alias Allen, Squad Leader, Squad 1, Regional Striking Force, KR-Negros, Cebu, Bohol, Siquijor (NCBS); at Magno Flores alias Edgar, 1st deputy secretary, CN2-W, KR-NCBS.

Hinihimok din ni Javines ang publiko na tumulong sa pagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng naturang mga CPP-NPA leaders upang mahuli na ang ang mga ito.

Mayroon namang P11.25-M na kabuuang pabuya ang inilaan ng gobyerno para dito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter