PH at Australia, pumirma ng maritime, cybersecurity, at trade agreements

PH at Australia, pumirma ng maritime, cybersecurity, at trade agreements

TATLONG kasunduan ang nilagdaan sa state visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Canberra, Australia.

Sa Joint Press Conference nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Prime Minister Anthony Albanese, iniulat ng Pangulo ang paglagda sa mga kasunduan na sumasaklaw sa mga isyu ng maritime domain, cyber & critical technology, at epektibong pagpapatupad ng mga batas at patakaran sa kompetisyon ng dalawang bansa.

“The three agreements exchanged today (Feb. 29) shall enhance information sharing, capability building, and interoperability between our relevant government agencies in the maritime domain and maritime environment, cyber and critical technology, and competition law,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“We’ll collaborate even more closely to promote our shared vision for the region including in civil maritime security.”

“And we’ll work together to promote the open and secure use of cyberspace.”

“We’ve also signed a new MOU between our competition commissions to enhance cooperation on competition law and policy, highly-relevant issues in both of our countries keeping the cost of living precious that our people are facing,” ayon kay Anthony Albanese, Australian Prime Minister.

Sa maritime domain, masigasig ang Pilipinas na pahusayin ang kooperasyon dito upang palakasin ang civil military cooperation, itaguyod ang international law at rules-based international order, pangalagaan ang marine environment at cultural heritage, pag-ibayuhin ang defense engagements at magtatag ng mga paraan para sa diyalogo sa pagitan ng relevant agencies ng Pilipinas at Australia.

Samantala, inaasahan din ng Pilipinas ang pagbabahagi ng impormasyon at pinakamahuhusay na kagawian sa Australia.

Ito ay partikular sa mga tuntunin ng cyber at critical technology, pagsasagawa ng capacity building, pagtataguyod ng secured digital economy, at pagkamit ng higit na pag-unawa sa aplikasyon ng mga internasyonal na pamantayan ng batas sa cyberspace.

Sa kabilang banda, ang pagtutulungan sa epektibong implementasyon ng kani-kanilang competition laws & policies ng Pilipinas at Australia ay isa sa mga praktikal na paraan ng dalawang bansa upang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya.

Ito ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pinakamahuhusay na kasanayan at pagsasagawa ng capacity building sa mga usaping may kinalaman sa merger regulations, competition laws, at investigative techniques.

“The Prime Minister and I both agreed to continue to look for ways to explore every option possible, to bring our countries closer than ever and collectively, with optimism and hopeful outlook, to be a force of good, unity, stability, and prosperity in our region,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Ang nasabing tatlong kasunduan na nilagdaan sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Canberra ay karagdagan doon sa higit 120 kasunduan na pinirmahan ng dalawang bansa sa loob ng ilang dekada.

Kabilang dito ang iba’t ibang larangan gaya ng defense cooperation, air services, education, research, scientific at cultural cooperation, at iba pa.

Si Pangulong Marcos ay nagtungo sa Canberra, Australia para sa kaniyang state visit mula Pebrero 28 hanggang 29. Ito ay sa imbitasyon ni Governor-General David Hurley.

Ilang grupo ng mga Pilipino sa Canberra, nagprotesta kasabay ng state visit ni PBBM sa Australia

Habang nasa Australia si Pangulong Marcos Jr. ay hindi pinalampas ng iba’t ibang grupo ng mga Pilipino at Filipino-Australians na magprotesta laban sa administrasyong Marcos.

Sa isang statement, iginiit ng mga ito na habang nakabalik sa puwesto ang Pamilya Marcos, hindi anila dapat kalimutan ang krimeng nagawa ng pamilya nito.

Dapat patuloy umano na managot si Marcos sa mga kalupitan na ito sa interes ng hustisya at pananagutan.

Nabanggit pa ng grupo na dapat muling buhayin ang imbestigasyon tungkol sa mga ari-arian na nakuha ng Pamilya Marcos sa Australia, noong panahon ng rehimen ng yumaong Dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Bahagi anila ito ng ill-gotten wealth na nakatago at hindi pa nababawi ng mga mamamayang Pilipino.

Nagsalita rin sila laban sa mga patakaran ni Pangulong Marcos Jr. kabilang ang alyansang militar ng Pilipinas sa Australia at Estados Unidos at ang pagtulak ng Charter Change.

Nakasaad pa sa statement na bilang Filipino-Australians at mga Pilipino na naninirahan, nagtatrabaho o nag-aaral sa Canberra, ang Australian Capital, ay kanilang binigyang-diin na hindi nila tinatanggap si Pangulong Marcos sa kanilang lungsod.

Sa kabilang dako, nagtaas ng banner ang Australian senator na si Janet Rice na nagsasabing “Stop the human rights abuses” habang si Pangulong Marcos ay naghahatid ng kaniyang talumpati sa harap ng Australian Parliament sa Canberra.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble