INANUNSIYO ng Philippine Football Federation (PFF) na ang 42-anyos na Australian mentor na si Mark Torcaso ang papalit kay Alen Stajcic bilang head coach ng Filipinas.
Ito ay bago ang debut ng Women’s Football Team ng bansa at ang ikalawang round ng Olympic Qualifiers.
Pormal na itinalaga si Torcaso nitong weekend nang magtungo sina PFF President Nonong Araneta, Secretary General Ed Gastanes at Filipinas Manager Jeff Cheng sa Sydney.
Makakasama naman ni Torcaso sa kaniyang coaching staff ang kaniyang matagal nang mga assistant na sina Sinisha Cohadzic at Andrew Durante.
Tiwala naman si Araneta na patuloy na itataas pa ni Coach Mark Torcaso at ng mga staff nito ang standards ng Philippine Women’s National Team.
Matatandaan na naging makasaysayan ang 2023 FIFA Women’s World Cup nang maitala ang kauna-unahang panalo ng Filipinas laban sa New Zealand.
Ikinararangal naman ni Torcaso ang nakitang patuloy na pag-unlad ng Team Filipinas mula sa AFF championship hanggang sa World Cup at excited na itong makita ang mga player at iba pang staff sa susunod na linggo.