PH Health Facility Development Plan 2020-2040, pinagtibay sa inilabas na circular ng Malacañang

PH Health Facility Development Plan 2020-2040, pinagtibay sa inilabas na circular ng Malacañang

INILABAS ng Malacañang ang Memorandum Circular (MC) No. 26 kung saan pinagtibay ang Philippine Health Facility Development Plan (PHFDP) 2020-2040.

Inisyu ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang naturang circular sa pamamagitan ng awtoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Nakasaad sa memo na inaatasan at hinihikayat ang lahat ng government agencies at local government units (LGUs) na suportahan ang inisyatiba sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pasilidad sa kalusugan para sa kanilang mga nasasakupan.

Binigyan din ng direktiba ang Department of Health (DOH), sa pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG), na pangasiwaan ang dissemination at tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng PHFDP sa lokal na antas.

Inatasan din ang DOH na tulungan at suportahan ang LGUs sa pagsasalin ng plano sa long-term local health facility development plan.

Inutusan din ang DOH na makipag-ugnayan sa mga LGU sa pagbubuo ng mga patakaran para sa pagtatatag ng primary care provider networks at health care providers networks.

Susubaybayan ng departamento ang pagpapatupad ng development plan ng local health facilities.

Kasabay nito’y hihikayatin din ang mga LGU na pumasok sa public-private partnerships (PPPs) upang matugunan ang mga kakulangan sa Philippine Health Facility Development Plan sa tulong ng PPP Center.

Samantala, maglalabas naman ang DOH ng guidelines upang epektibong maipatupad ang circular at maaaring humiling ng tulong sa iba pang kaukulang ahensiya at tanggapan ng gobyerno sa pagbubuo ng mga alituntunin.

Ang implementasyon ng circular ay popondohan ng kasalukuyang appropriations ng respective agencies at LGUs.

Ginawa ng DOH ang PHFDP upang magsilbing pangkalahatang estratehiya ng bansa para sa imprastraktura at pamumuhunang medikal.

Ito ay sa layuning matiyak ang isang malakas na primary care at integrated health system para sa bawat Pilipino, na naaayon sa Republic Act (RA) No. 11223, o ang Universal Health Care Act of 2019.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter