PH Army todo-handa para sa halalan; Seguridad sa eleksiyon pinaigting

PH Army todo-handa para sa halalan; Seguridad sa eleksiyon pinaigting

PINAPLANO na ng Philippine Army (PA) ang deployment ng kanilang puwersa—mula sa pre-election preparations hanggang sa mismong araw ng halalan, tinitiyak ang maayos at ligtas na proseso ng pagboto.

Inihahanda na nila ang kanilang reserve force para sa May 2025 midterm elections.

Kasabay nito, nilinaw ni Lt. Gen. Roy Galido, Chief, Philippine Army na ang puwersang gagamitin sa halalan ay mahigpit na alinsunod sa mga probisyon ng Commission on Elections (COMELEC).

“Ang reserve natin ay isang malaking component ng Hukbong Katihan. In fact, mas malaki ito, meron tayong close to 1 million reserve force. Ang paghahanda natin dito ay ino-organize natin sila. Now sa halalan, may limited session tayo kung paano sila gamitin,” pahayag ni Lt. Gen. Roy Galido, Chief, Philippine Army.

Pagdating naman sa BARMM Parliamentary Elections, sinimulan na ang preparasyon noon pang nakaraang taon.

“So ganoon ka-deliberate ang paghahanda ng army kasi sa Bangsamoro, napakaraming naka-deploy doon.  Ito ‘yung one of the critical spots,” ayon pa kay Galido.

Kabilang sa ginagawang paghahanda ng Philippine Army ang pagtukoy sa mga posibleng flashpoint areas at pagtutok sa mga threat groups sa rehiyon—kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP).

Samantala, hindi na isasabay sa national and local elections sa Mayo ang BARMM Parliamentary Elections. Mula sa orihinal na petsa na May 12, iniurong ito sa Oktubre 13, 2025.

Matatandaang sinertipikahan mismo ng Pangulo noong Enero ang panukalang batas na ipagpaliban ang nasabing halalan.

COMELEC, tiniyak ang rekord ng absentee voting sa kanilang sistema

Samantala, inanunsyo ng COMELEC na dalawang linggo bago matapos ang Abril ay bubuksan nilang muli ang precinct finder upang matulungan ang mga botante na alamin ang kanilang polling precincts.

“Lahat po tayong botante, puwede nating i-check. Basta ma-input lang po nang tama ang  iyong pangalan, birthday, at iyong kapanganakang lugar, makikita po natin kung saan tayo boboto,” pahayag ni Atty. John Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.

Pagdating naman sa absentee voting, binigyang-diin ng COMELEC na prayoridad nila ang digitalisasyon upang masigurong maitatala nang maayos ang boto ng mga nasa gobyerno, media, at uniformed services.

“Nang sa gayon, kahit hindi tayo bumoto sa ating presinto, tayo po ay magkakaroon ng record na bumoto—hindi tayo madi-deactivate,” paliwanag ni Laudiangco.

Samantala, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng COMELEC sa programang “Kontra Bigay”, kung saan tututukan ang mga insidente ng vote buying at vote selling para matiyak ang malinis at patas na eleksiyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble