PH Navy, mayroon nang bagong commander

PH Navy, mayroon nang bagong commander

MAY bago ng kumander ang Philippine Navy.

Ito’y sa katauhan ni Rear Admiral Toribio Adaci Jr.

Huwebes ng umaga nang isagawa ang seremonya ng Change of Command na ginawa sa Philippine Navy headquarters sa lungsod ng Maynila.

Bago ang kaniyang bagong posisyon, si Adaci ay nagsilbing commander ng Naval Forces sa Western Mindanao.

Pinalitan ni Adaci si PH Navy Vice Commander Rear Adm. Ceasar Bernard Valencia na nagsilbing PH acting chief simula noong Setyembre 9.

Si Adaci ang kauna-unahang PH Navy chief na magkakaroon ng fixed term sa loob ng 3 taon sa ilalim ng Republic Act No. 11709.

Ito ang batas na nagbibigay ng fixed tour of duty sa mga military key officials.

Ang bagong PH Navy chief ay nanggaling sa probinsya ng Ifugao at miyembro ng PH Military Academy “Makatao” Class of 1989.

Si Adaci ay isa ring abogado na nakapasa sa Bar Exam noong taong 2000.

Panauhing pandangal at presiding officer naman sa seremonya ay si AFP chief of staff Lt. Gen. Vicente Bartolome Bacarro.

Tiwala si Bacarro na magagampanan nang mahusay ni Adaci ang kaniyang tungkulin.

Ayon kay Adaci, nakatuon ang direksyon ng kaniyang pamumuno sa pagpapatuloy ng modernisasyon sa PH Navy at competence building ng kanilang mga tauhan.

Samantala, wala pang maibigay na sagot ang military sa insidenteng naganap sa Panatag Shoal kung saan nagkaroon daw ng komprontasyon sa pagitan ng Chinese Coast Guard at PH Navy malapit sa Pag-asa Island.

Ayon kay Bacarro nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at ugnayan nila sa China kung ano ba ang totoong nangyari.

Ayon naman kay Adaci, hindi sila uurong pagdating sa pagpapatrolya sa karagatan na pag-aari ng bansa.

Ang Pag-asa Island ay itinuturing na bahagi ng Palawan Province na siya namang ikinokontesta ng Beijing.

Follow SMNI NEWS in Twitter