PATULOY na nasa ilalim ng negosasyon at ebolusyon ang 1951 Mutual Defense Treaty ng Pilipinas sa United States.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagdalo sa Kadiwa ng Pasko Project sa Quezon City nitong Huwebes.
Ayon sa Pangulo, nagkaroon ng maraming request at panukala mula sa mga Amerikano lalo na sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sa ngayon, pinag-aaralan aniya ang lahat ng ito upang makita kung alin sa mga ito ang “feasible” at magiging kapaki-pakinabang para sa depensa ng teritoryo ng Pilipinas.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na ilan sa natalakay sa kanyang pulong kay US Vice President Kamala Harris noong nakaraang linggo ay mga concern sa seguridad at defense.