PHA, suportado ang “No vaccine, No ride” policy ng DOTr

PHA, suportado ang “No vaccine, No ride” policy ng DOTr

SUPORTADO ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) ang bagong policy na “No vaccine, No ride” sa mga pampublikong sasakyan.

Sa panayam ng SMNI news, sinabi ni Dr. Jose Rene de Grano, president ng PHAP na karamihan sa mga ‘di bakunado ang umaabot sa severe at kritikal na kaso ng COVID-19.

Inabisuhan pa nito ang mga ayaw magpabakuna sa bagong policy na huwag nalang lumabas upang hindi mahawaan ng nakamamatay na virus.

Sa ngayon sinabi ni De Grano na nasa critical occupancy level na higit sa 85% ang nasa 20 pribadong ospital sa National Capital Region.

Bagaman 85% palang ito, sinabi ni De Grano na halos puno na ang mga ospital dahil halos 5% hanggang 10% ng kanilang health workers ay naka-quarantine din.

Dahil dito, limitado na lamang sa critical COVID-cases at emergency cases ang kanilang ina-admit.

Samantala, nanawagan din si De Grano sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na bayaran na ang kanilang utang sa mga pribadong ospital para sa kapakanan ng mga benepisyaryo.

Nanganganib din aniyang magsara ang mga nasabing ospital kung mawawalan na sila ng pondo.

Sa ngayon, may nakatakda aniyang pag-uusap ang dalawang panig para resolbahin ang naturang isyu.

SMNI NEWS