MATAGUMPAY ang phase 1 ng Pediatric vaccination sa mga menor de edad sa Metro Manila ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Halos nasa 10-K na ang nabakunahan laban sa COVID-19 na may edad 15-17 anyos na inumpisahan noong October 15.
Sa tala ng Department of Health, umabot na sa 9,928 ang bilang ng mga kabataan na naturukan sa phase 1 pilot pediatric vaccination na ginanap sa 26 na ospital.
Ito ay pawang mga nasa edad 12 hanggang 17-anyos na pawang mga may comorbidities.
Ayon sa DOH, sampung menor de edad ang nagkaroon ng adverse reaction matapos mabakunahan.
Tatlong bata ang nakaranas ng allergic reactions, tatlo ang nagkaroon ng anxiety related reaction habang apat na bata naman ay nakaranas ng mild reactions tulad ng pananakit ng braso kung saan binakunahan.
Samantala, positibo naman ang pananaw ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez na mawawala na ang vaccine hesitancy sa mga pilipino kung magiging matagumpay ang isinasagawang bakunahan sa mga kabataan laban sa COVID-19.
Inanunsyo naman ni NTF Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon na ipe-presenta na sa Inter-Agency Task Force ngayong-araw ang paglulunsad ng nationwide vaccination para sa 12-17 anyos na kabataan.
Target ng pamahalaan na tapusin na sa Disyembre ang pagbabakuna sa mga kabataan sa bansa kontra COVID-19.
Ayon kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., kabilang sa timeline ang pagtanggap ng una at ikalawang dose ng bakuna ng mga kabataan.