PhilHealth, nakaantabay sa desisyon ng SC hinggil sa P90B excess fund

PhilHealth, nakaantabay sa desisyon ng SC hinggil sa P90B excess fund

INUMPISAHAN na ng Korte Suprema ang pagdinig patungkol sa petisyon na may kinalaman sa halos P90B na excess fund ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Kasama sa mga nagpetisyon si Sen. Koko Pimentel, 1 Sambayan Coalition at iba pa na nais maideklarang unconstitutional ang paglilipat ng nasabing pondo sa National Treasury.

Batay sa ulat, halos P60B na ang nailipat sa National Treasury kasunod ng inilabas na circular ng Department of Finance (DOF).

Kaugnay rito, sinabi ng bagong itinalagang President at CEO ng state insurer na si Dr. Edwin Mercado na nirerespeto ng PhilHealth ang proseso na nangyayari ngayon sa Supreme Court.

At anuman ang magiging desisyon ng SC, ay nakahanda aniyang tumalima ang PhilHealth dito.

Sa issue po noong 89.7 billion ho na binanggit ninyo, sa kasalukuyan po ay mayroon na pong proseso na nangyayari sa Supreme Court.  May ongoing case at the Supreme Court and we will just abide by their rules and their decisions,” pahayag ni Dr. Edwin Mercado, President & CEO, PhilHealth.

Mga problema sa PhilHealth na binansagang “sakit” ng ahensiya, gagamutin daw ng bagong itinalagang pinuno nito

Sa pag-upo ng bagong hepe ng PhilHealth, ay nangako ito na tutugunan ang mga suliraning kinakaharap ng state insurer.

Inilarawan pa ni Dr. Mercado ang PhilHealth bilang isang “maysakit” na nangangailangan ng agarang paggamot.

So, ako bilang manggagamot, parang tinitingnan ko rin po ang PhilHealth na may sakit at inaalam ko rin po, ano iyong lunas,” ayon pa kay Mercado.

Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, sinabi niya na kaniyang aaraling mabuti kung ano ang mga prosesong kailangang baguhin sa state insurer upang tuloy-tuloy ang serbisyo at mapalawig ang benepisyo.

Ang mayroon lang ho akong visibility, naka-post doon sa website ng PhilHealth which is outdated kasi the latest audited financial statement is 2022. So, bigyan ninyo lang po ako ng oras para aralin po iyong mga subsequent,” paliwanag nito.

Isinalaysay ni Mercado na titingnan niya ang proseso na kung tawagin ay efficiency at tutugunan ang aniya’y nangyayaring ‘wastage’ sa PhilHealth.

Magsasagawa rin siya ng masusing pagsusuri kaugnay ng pagtatala ng mga financial report.

“Mayroon naman pong standard accounting definitions iyan so iyan po iyong una naming idi-define para iyong reporting po ay malinis at transparent,” saad ng doktor.

Isa rin sa magiging prayoridad nito ang pagsasaayos ng digitalization.  Sa pamamagitan aniya ng digital system, mapabibilis ang claim processing at mababawasan ang anumang fraudulent activities.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble