PhilHealth, SSS at Pag-IBIG, naglunsad ng konsultasyon sa OFWs sa Malaysia

PhilHealth, SSS at Pag-IBIG, naglunsad ng konsultasyon sa OFWs sa Malaysia

NAGSAGAWA ng dalawang araw na konsultasyon ang partner agency na PhilHealth, SSS at Pag-IBIG para sa mga aktibo nitong miyembro na OFW sa tanggapan ng Migrant Workers Office sa Kuala Lumpur.

Ang naturang programa ay pinangalanang “Kabuhayan, Kalusugan, Kalinga at Kamustahan” sa mga OFW sa Malaysia.

Sa gitna ng konsultasyon, malugod na inanunsyo ng PhilHealth na dadagdagan nito ang kanilang benepisyo mula sa dating 90 dialysis session ay itataas naraw na ito sa 156 session kada taon.

Nilinaw rin ng PhilHealth sa mga OFW na maaaring magbayad ang ahensiya ng confinement sakaling na-confine ang isang OFW sa ibang bansa.

Samantala, hinihikayat naman ng Pag-IBIG na gamitin ng mga OFW ang virtual Pag-IBIG, isang online portal ng ahensiya kung saan maaaring gawin ng isang miyembro ang anumang transaksiyon at mga benepisyong nais malaman nang hindi na kinakailangang personal na tumungo sa embahada para dito.

Habang ipinakilala naman ng Social Security System (SSS) ang Workers Investment Savings Program (WISP) plus kung saan layon nitong mapag-isa ang mga provident fund ng kanilang miyembro.

Bukod pa sa mga nabanggit na ahensiya, kasama rin sa nagpaliwanag ng kanilang mandato ang mga taga Commission on Human Rights, Department of Agriculture na may layong bigyan ng agri-business ang mga OFW na plano nang ipagpatuloy ang trabaho o magtayo ng negosyo sa Pilipinas at ang Department of Trade and Industry (DTI).

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga dumalong OFW sa embahada, MWO at sa OWWA na siyang nag-organisa ng nasabing consultation program.

Ang nasabing programa ay dinaluhan nina Philippine Ambassador to Malaysia H.E Charles Jose, 2nd Secretary Arturo Lee, PCol. Jun Lazaga Jr., Defence Attache Col. Joel Lobitaña at marami pang iba.

Follow SMNI NEWS in Twitter