BALAK ng Philippine Coast Guard (PCG) na tuluyan nang i-ban ang paggamit ng single-use plastic sa karagatan.
Ito ay parte ng kanilang inisyatiba kasabay ng pagdaraos ng 2022 Maritime Week.
Ngayong araw Setyembre 19 hanggang Setyembre 25 ay idaraos ng mga maritime stakeholders ang 2022 Maritime Week.
Ito ay taunang ginagawa ng DOTr, Marina, PCG, Philippine Ports Authority, PPA Port Operations and Services Department para makapaggawa ng mga polisiya na makatutulong sa karagatan ng bansa.
Para sa taong ito, ang tema ay “New Technologies for Greener Shipping” kung saan balak ng mga stakeholder na magkaroon ng mga programa na makatutulong para maibsan ang sea pollution at mai-promote ang marine preservation.
Susuportahan ni PCG Commodore Armand Balilo ang pagpapabawal sa paggamit ng single-use plastic sa karagatan lalo na sa hanay ng kanilang mga empleyado o personnel.
Karamihan aniya ng basura na nakukuha sa karagatan ay mga plastik.
Ayon kay Balilo, pwede nilang patawan ng penalty ang mga personnel na hindi tatalima rito.
Nilinaw naman ng Philippine Ports Authority (PPA) na matagal na nilang direktiba ang hindi paggamit o pagdala ng plastic sa loob ng pantalan.
Nakalagay aniya ito sa PPA Memorandum Circular No. 11-2021.
Pero ayon sa pamunuan, hindi pa sila naghihigpit sa pagpapataw ng parusa sa mga hindi sumusunod dito.
Balak din ng PCG na magkaroon ng educational campaign sa mga paaralan hinggil sa pagpapabawal ng mga single-use plastic sa pamamagitan ng video presentation at paglalagay ng posters.
Mahalaga rin aniya ang papel ng media para sa pagpapakalat ng ganitong impormasyon.
Balak namang magsagawa ang MARINA ng regular Marine Environment Protection Awareness para maibsan ang marine pollution.
Patuloy na isinusulong ng DOTr ang modernisasyon sa mga pantalan pero mukhang hindi ito prayoridad sa ngayon ng pamahalaan.
Balak sana nila sa taong 2023 na makapagtayo ng 30 bagong sea ports at iba pang programa pero hindi ito naaprubahan o nakalusot sa DBM.
Sinabi naman ng DOTr na gagawan nila ng paraan na matugunan ang reklamo para sa port congestion.
Aminado ito na tumataas talaga ang utilization rate sa mga pantalan.
Samantala, ilan sa mga aktibidad na gagawin ng mga maritime group sa isang linggong selebrasyon sa 2022 Maritime Week ay tree planting, sports festival, photography contest, Zumba, virtual maritime photo exhibition, equipment and art exhibition, pagkakaroon ng port operations seminar, feeding program, karaoke challenge, recycled art competition, at COVID-19 vaccination drive.