Philippine General Hospital, muling tatanggap  ng COVID-19 patients

Philippine General Hospital, muling tatanggap ng COVID-19 patients

MATAPOS ang nangyaring sunog noong nakaraang araw ay tatanggap na muli ang Philippine General Hospital (PGH) ng mga pasyente na tinamaan ng coronavirus disease o COVID-19.

Sa press briefing, sinabi ni PGH Director Dr. Gerardo Legaspi na humihingi ito ng isang araw na hindi muna mag-a-admit ng COVID patients.

Ito ay dahil sa natitirang amoy ng usok na umaabot sa mga ward ng ospital.

Malaki-laki rin ang naapektuhan sa nangyaring sunog partikular na ang mga operasyon.

Ayon kay Legaspi, karamihan sa mga surgical procedures na ginagawa nila ay “very specialized” at tanging ang PGH lang din ang nakakapag-alok tulad ng brain at heart surgeries at transplant.

At hindi muna makapagpapatuloy sa naturang ospital ang ganitong klaseng serbisyo.

“Ang malaki pong naapektuhan ‘yung aming operasyon kung inyong titingnan ang PGH siguro ang isa sa mga kunting hospital na nagpatuloy ang pagbigay serbisyo sa mga operasyong kritikal – neurosurgery, heart surgery, advanced surgeries na hindi maaaring makuha sa ibang hospital,” ani Legaspi.

Subalit sa ngayong araw Mayo 18 ay muling tatanggap ang pamunuan ng ospital ng panibagong pasyente na tinamaan ng COVID- 19 virus.

Sinabi rin ni Dr. Legaspi na-stabilize na ang mga designated area para sa mga pasyente ng COVID-19.

Tiniyak ni Legaspi na ang PGH ay magpapatuloy sa mga serbisyong medikal lalo na ang ospital ang nagsisilbing referral center ng COVID sa mga pasyente sa Metro Manila.

(BASAHIN: Breast milk donations para sa mga sanggol na apektado ng sunog ipinanawagan— PGH)

SMNI NEWS