Philippine National Police, nangakong hindi bibitawan ang Dacera case

UNA nang siniguro kahapon ni PNP Chief PGen. Debold Sinas sa pamilya ng biktimang si Christine Dacera na hindi bibitawan ng PNP ang kasong pagpatay kay “Aica”   hangga’t walang napapanagot sa insidente

Sa katunayan, nagsasagawa na aniya ngayon ng tracking operations ang CIDG laban sa 8 at large na mga suspek na natukoy na kasama ng biktima bago siya namatay.

Kabilang sa mga suspek sina:

Gregorio Angelo

Rafael de Guzman

Clark Rapinan

Valentine Rosales

Mark Anthony Rosales

Rey Ingles Y Mabini

Louie De Lima

Jammyr Cunanan

at alias Ed Madrid

Pagpapalaya sa 3 suspek sa Dacera case, bahagi lang ng due process

Samantala, nilinaw din ng PNP na bahagi lang ng due process ang pagpapalaya sa 3 suspek na kaibigan ng flight stewardess na si Christine Dacera na natagpuang patay sa loob ng isang Makati Hotel noong New Year’s Day.

Ito ang sinabi ni PNP Spokesperson PBgen. Ildebrandi Usana matapos na atasan ng Makati Prosecutor’s Office ang PNP na palayain ang 3 suspek na nasa kustodiya nila hanggang sa maisagawa ang preliminary investigation sa kaso sa Enero 13.

Ayon sa piskalya, kailangan munang magsagawa ng preliminary investigation sa kaso kung talaga bang hinalay si Dacera at kung talagang pinatay ito o may foul play sa kanyang pagkamatay.

Matatandaang, nagsampa ng kasong rape with homicide ang Philippine National Police laban sa mga suspek.

Pero batay sa resulta ng autopsy at medico legal reports ay lumabas na “aneurysm” ang sanhi ng pagkamatay ni Christine.

Kaugnay nito, pinayuhan din ng Makati Prosecutors Office ang PNP na laliman pa ang imbestigasyon sa kaso dahil maaaring mauwi lang sa kawalan, ma-dismiss o mawalang saysay ang mga nakahaing kasalukuyang ebidensiya sakaling umabot ito sa korte

Matatandaang pasado alas-7 kagabi nang palayain ang mga ito mula sa Makati City Police Station.

Ayon kay Usana, inaasahan naman nila ito, pero Hindi aniya ito nangangahulugan na ititigil na ng PNP ang kanilang imbestigasyon sa kaso.

Sa paglaya ng tatlong suspek ay patuloy na nanindigan ang mga ito na wala silang kinalaman sa pagkamatay ng kaibigan nilang si Christine.

Muling nagpaalala ang mga otoridad na Bukas matatapos ang 72-hour ultimatum na binigay na taning ni General Sinas para sa mga walo pang suspek upang isuko na ang sarili sa mga awtoridad.

SMNI NEWS