PALALAKASIN ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Navy ang kanilang interoperability upang mabantayan ang karagatan ng bansa.
Ito ang tiniyak ni Philippine Navy Flag-Officer-in-Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr. sa pagbisita sa PNP National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon kay Adaci, kapwa may interes ang PNP at Navy na protektahan ang karagatan kaya marapat lamang na mapalakas ang kanilang koordinasyon at pagtutulungan upang malabanan ang anumang banta.
Sinuportahan naman ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang pagtutulungan ng PNP at Navy lalo na sa police at navy visibility patrols, seaborne patrol operations, at pagsisikap laban sa piracy at pagtugon sa iba pang mga insidente sa dagat.
Binigyang-diin ng dalawang opisyal ang kahalagahan ng tripartite mechanism sa pagitan ng Navy, PNP, at Philippine Coast Guard (PCG) na itinakda ng Joint Peace and Security Coordinating Center (JPSCC) policy.