Philippine Postal, naglabas ng ‘Paskong Pilipino’ 2021 postage stamp

NAGLABAS ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng ‘Paskong Pilipino’ postage stamp sa unang pagkakataon.

Inilarawan sa Paskong Pilipino postage stamp ang kinagisnang paraan ng mga Pilipino sa pagdiriwang ng Pasko sa bansa at sa ibayong-dagat.

Mayroon itong apat na disenyo na may nakaguhit na isang tradisyonal na parol, isang hugis bituin na gawa sa kawayan na inilawan at karaniwang matatagpuan na nakasabit sa bawat tahanan at sa mga kalye.

Ang bawat disenyo ay may nakasaad na “Narito na, Paskong Pag-asa”, “Sama-sama pa rin tayo ngayong Pasko”, “Taus-pusong pananalig sa Paskong puno ng Pag-ibig,” at “Maniwala, Magtiwala, Pasko ng Himala”.

“This is our own way of bringing joy, hope, and inspiration to the public. That in spite of the pandemic, Filipinos should not forget to keep our faith and celebrate the birth of Jesus,” pahayag ni Postmaster General Norman Fulgencio.

Aabot naman sa 60,000 piraso ng naturang four stamp design ang naimprinta ng Philippine Postal na nagkahalaga ng P12 bawat isa.

Ang Paskong Pilipino stamp ay dinisenyo ng in-house graphic artist na si Ryman Dominic Albuladora.

Maaari nang mabili ang Christmas stamps at First-day cover envelopes sa Post shop na matatagpuan sa Manila Central Post Office sa Liwasang Bonifacio.

BASAHIN: PHLPost, naglabas ng special stamps bilang pagbibigay-pugay sa COVID-19 frontline heroes

SMNI NEWS