NAKAPAGTALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng aabot sa 31 volcanic earthquakes sa Bulkang Kanlaon na mas mataas kung ikukumpara sa 19 na volcanic earthquakes.
Ang nabanggit na bilang ay mula Disyembre 9 – 10, base ‘yan sa huling update ng PHIVOLCS as of Disyembre 11, araw ng Miyerkules.
Sa ngayon nananatili sa Alert Level 3 o nananatiling delikado ang Bulkang Kanlaon dahil sa posibilidad na magkaroon ng pagguho ng lupa.
Matatandaan na nauna nang sinabi ni National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na mananatili sa Alert Level 3 ang Kanlaon bilang minimum alert level sa loob ng tatlong linggo.
Ngunit depende pa rin sa kung ano ang reaksiyon ng nasabing bulkan.
“Itong Alert Level 3 ay minimum, ime-maintain natin ayon sa PAGASA ng tatlong linggo at the minimum. Ngunit may posibilidad na magpalit ito depende sa aksyon ng bulkan at ‘yan ang pinaghahandaan namin either better or worst ano, pag worst i-increase ito ng 10 kms, kung lalong, pag mag-four ano,” saad ni Sec. Gilberto Teodoro Jr., DND.
OCD, nahihirapan ilikas ang mga apektadong residente bunsod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon
Sa ngayon aniya, pahirapan para sa kanila na ilikas ang mga residente sa kanilang mga tahanan dahil hindi aniya sana’y ang mga tao sa nabanggit na insidente.
“Ang issues na hinaharap namin ngayon, naghe-hesitate na lumikas ang mga tao kasi hindi sila sanay sa ganitong pangyayari at syempre hesitant sila na iwanan ang kanilang pag-aari, ari-arian rather,” dagdag ni Teodoro.
Bagay na kinumpirma ng Office of Civil Derense sa pulong balitaan kaugnay sa pagputok ng Kanlaon.
Ayon kay OCD Asec. Raffy Alejandro, mayroong mga residente na ayaw talaga umalis sa kanilang mga tahanan.
“That’s true, we receive the same information na meron talagang ayaw pa for different reasons but on the side of OCD Inter-Agency Task Force our task now is to prepare the evacuation centers,” pahayag ni Asec. Raffy Alejandro, OCD.
Sa ngayon aniya ay sinisikap nilang mapabilis ang pagsasaayos sa mga evacuation center at karagdagang matitirhan ng apektadong residente.
“In our experience pag-prolong evacuation kukulangin po talaga ang mga CR ‘yan po importante po ‘yan dahil ‘pag hindi po handa ang ating sanitary environment it will lead to another disaster, problema na naman ng DOH yan, ‘yon lang naman,” ani Alejandro.
Kaugnay naman sa alert level ng bulkan, hindi pa masabi ng PHIVOLCS kung itataas o ibaba ba nila ang lebel nito.
“But of course, we will have to evaluate this one at titignan natin kung mag-escalate ba further at kung hindi naman we will have meeting sa our staff sa PHIVOLCS we may level down the alert level from 3 to 2 but of course depende na ‘yan sa pinapakita ng Kanlaon,” wika ni Dr. Teresito C. Bacolcol, Director, DOST-PHIVOLCS.