AABOT sa animnapu’t siyam na tremor o mahahabang pagyanig sa Taal Volcano ang nangyari sa makalipas na magdamag ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Renato Solidum. Jr.
Ayon pa kay Solidum, ito ay dahil sa hydrothermal activity.
“Umaakyat po ‘yong gas mula sa magma sa ilalim at ito ‘yung nagpapainit sa tubig sa ilalim ng Taal Volcano island. At, ‘yung tubig o steam o gas na yan ay kumikilos kaya maraming paglindol. Ito rin po ang nagdudulot ng pagpapa-iinit sa taal main crater lake at pagiging mas acidic nito,” pahayag ni Solidum.
Ani Solidum, ito ang dahilan kung bakit malaki posibilidad na magkaroon muli ng phreatic eruption o explosion sa Taal Volcano katulad noong January 12, 2020.
Dagdag pa ni Solidum, hindi muna papayagan ang paglapit ng mga tao sa permanent danger zone ng Taal Volcano Island.
Nilinaw ni Solidum, may kaugnayan ito sa nangyaring pagyanig noong nakaraang taon sa Taal Volcano dahil pagkatapos nang nasabing pagsabog, nangyari ang pag-akyat ng magma na nagre-supply sa Taal Volcano na dahil ng pag-release ng gas na dahilan kung bakit mainit ang tubig sa ilalim ng Taal.
“Kaya tayo maraming paglindol na nasusukat, pag-acidic at pag-init ng main crater,” ani Solidum.