ASAHAN na ang pagdagsa ng mas maraming turista sa Pilipinas!
Ito nga’y matapos pirmahan ng parehong Pilipinas at Brunei ang isang kasunduan, na layong palakasin ang tourist arrivals ng dalawang bansa, sa katatapos lang na state visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Brunei.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), layon ng bagong kasunduan sa pagitan ng Department of Tourism at Ministry of Primary Resources and Tourism ng Brunei na lumikha ng mga proyektong makapaghihikayat sa mga turistang bisitahin ang mga nagagandaha’t ipinagmamalaking lugar sa dalawang bansa.
Maliban diyan ay isusulong din nito ang Islamic Tourism Development.
Lumagda rin ng kasunduan kaugnay sa pagkilala sa standards of training, certification, and watchkeeping certificates para sa mga seafarer, maritime cooperation, food security at agricultural cooperation ang parehong Pilipinas at Brunei.
Nagkaroon din ng bilateral meeting si Pangulong Marcos kay Brunei Prime Minister Hassanal Bolkiah para mapalalim pa ang ugnayan ng dalawang bansa.
Ang Brunei ang pangalawang tahanan ng nasa 25,000 Pilipino.
PBBM sa Brunei: Ikonsidera ang PH bilang ‘prime business destination ‘ hihikayat ng mas maraming mga mamumuhunan sa Brunei
Samantala, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga business leader sa Brunei na ikonsidera ang Pilipinas bilang isang prime investment destination o pangunahing destinasyon para sa pamumuhunan.
“So, I enjoin the business leaders of Brunei to seriously consider the Philippines as your prime investment destination.”
“We are committed to fostering mutually beneficial outcomes for the business sectors of both our countries,” pahayag ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr, Republic of the Philippines.
Ang Singapore naman ang sumunod na destinasyon ng Pangulo para daluhan ang International Institute for Strategic Studies’ (IISS).
Ito ang taunang inter-governmental security forum na dinadaluhan ng mga defense at military official, expert at business leader upang talakayin ang mga security challenges na hinaharap ng iba’t ibang bansa sa buong mundo.