Pilipinas, hindi nagbabago ang panindigan hinggil sa isyu ng WPS

Pilipinas, hindi nagbabago ang panindigan hinggil sa isyu ng WPS

KAMAKAILAN lang namataan ang navy vessels ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Inakusahan ng Pilipinas ang Tsina na nagde-deploy ng mga barko ng Navy para buntutan ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa Scarborough Shoal.

Kasunod nito’y may mga panawagan at rekomendasyon na magpadala na rin ng karagdagang barkong pandigma ang Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), subalit tinutulan ito ng Philippine government.

Nanindigan ang pamahalaan na hindi ito magpapadala ng Navy warships sa West Philippine Sea (WPS) dahil maaari lamang ito magpalala ng tensiyon sa lugar.

Binanggit din ito ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad.

Aniya, nananatili ang paninindigang ito ng Pilipinas sa isyung may kinalaman sa WPS.

Maliwanag aniya ang guidance sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tungkol sa kaniya-kaniyang mandato nito.

“Hindi naman nagbago iyong ating stand simula’t sapul.”

“Una, iyong ating Armed Forces at Department of National Defense, we have been conducting our sovereignty patrols, air surveillance flights. Noon pa man, involved na iyong Philippine Navy at saka iyong Philippine Air Force; iyong ibang departamento naman like iyong Coast Guard at BFAR, they have their own mandate to perform, kasama dito iyong pag-conduct ng law enforcement at pagbigay ng ayuda sa ating mga fisherfolks,” saad ni RAdm. Roy Vincent Trinidad, Philippine Navy Spokesperson for the WPS.

Binigyang-diin din ni Trinidad na lahat ng aksiyon ng Pilipinas ay kailangang nakasunod sa international law, non-escalatory at nakatalima sa 2016 arbitral tribunal ruling.

Ito rin aniya ang guidance na ibinigay sa Philippine Coast Guard (PCG) at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Kailanman hindi rin aniya nawala ang AFP sa eksena sa WPS at patuloy na gagampanan ang tungkulin.

“We will continue performing our mandate in spite all the ICAD – iyong illegal, coercive, aggressive and deceptive actions ng kabila. Magpapatuloy tayo, we will not be deterred, ‘ika nga,” ani Trinidad.

Base sa pinakahuling ulat ng Philippine Navy nitong buwan ng Nobyembre, naka-monitor sila ng 58 Chinese vessels sa magkakaibang oras at lokasyon.

Upang maprotektahan ang mga karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EZZ), ani Trinidad, magpapatuloy sila sa pagsasagawa ng air surveillance flights at maritime patrols.

Sa buong taong ito, nakapagsagawa na sila ng mahigit 300 maritime patrols sa West Philippine Sea.

Nasa mahigit 100 naman ang naisagawang air surveillance flights at mahigit 60 RoRe missions.

Matatandaang inakusahan ng China ang Pilipinas na patuloy na gumagawa ng probokasyon at nagpapalala ng sitwasyon sa South China Sea.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter