Pilipinas, komunista na ngayon kung hindi nagdeklara ng martial law si dating Pang. Marcos, Sr – Pastor ACQ

Pilipinas, komunista na ngayon kung hindi nagdeklara ng martial law si dating Pang. Marcos, Sr – Pastor ACQ

IBINAHAGI ni Pastor Apollo C Quiboloy  ang kanyang pananaw kaugnay sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law sa bansa.

“Kung hindi nag-declare ng martial law si Ferdinand Edralin Marcos Sr. ‘yung panahong ‘yun, komunista na tayo ngayon. Si Sison na naghahari, para na tayong Cambodia, tulad ng nangyari sa Cambodia under Pol Pot. Papatayin niya lahat ng hindi niya kaalyado. Religious, business, professionals, lahat ‘yan itatabi lahat ni Joma Sison, kasi ‘yung cadre nila ang ipapasok. Tulad ng mga ginagawa nila ngayon.”

“Kaya pasalamat tayo sa nangyari, kalooban ng Diyos sa martial law. Kung wala ‘yung martial law, eh nahulog na tayo sa bitag ng mga komunistang ito.”

Ito ang naging pahayag ng butihing Pastor sa paggunita ng ika-50 anibersaryo ng martial law.

Matatandaang noong Setyembre 21, 1972, napilitan ang dating Pangulong Marcos na isailalim sa batas militar ang buong bansa dahil sa lumalalang rebelyon.

Sa kanyang programang Powerline nitong Martes, binigyang-diin ni Pastor Apollo na ang ginawang hakbang ng dating Pangulong Marcos ay upang iligtas ang Pilipinas mula sa kamay ng mga komunista.

“Layunin ng Pangulong Marcos noong mga panahong iyon ay upang iligtas tayo sa mga kamay ng komunistang terorista sa pamumuno ni Joma Sison at ng kanyang mga kasamahan,” ayon kay Pastor Apollo.

“Pero tingnan mo naman sa 53 years na ang komunistang partidong ito, ang CPP-NPA-NDF ay namayagpag sa Pilipinas sa 53 years. Bilangin naman natin ang pang-aabuso ng mga teroristang grupo ng mga ahas na ito, hindi na mabilang. Hindi na mabilang, in fact ‘yung mga pang-aabuso na ginawa sa panahong Marcos, sa kanila ring gawa ‘yun, ipinapatong lang nila doon sa ating Pang. Marcos noong mga panahon ‘yun,” ayon pa sa butihing Pastor.

Ibinahagi rin ni Pastor Apollo ang magandang naidulot ng martial law noong 1972 sa Pilipinas.

“Itong martial law, 8 years nga lang ‘yan nakapagbuti pa, nakapagdisiplina pa nga sa atin eh. Sa aming mga matutuwid, may martial law ba noong mga panahong iyon, wala akong naramdamang martial law noong mga panahong ‘yun. Sa mga gumagawa ng katuwiran, sa mga law-abiding, sa mga God-fearing. Wala akong nadamang martial law. Ang nadama ko talagang bumuti pa nga eh. Sa ikakaunlad ng bayan, disiplina ang kailangan,” ayon ni Pastor Apollo.

Sa kabilang banda, inihayag ni Pastor Apollo na hindi maikakaila na may mga pang-aabusong naganap noong panahon ng martial law dahil sa mga abusadong sundalo.

Gayunpaman, naniniwala ang butihing Pastor na hindi ginusto at hindi iniutos ng pangulo na mang-abuso ang mga sundalo noon.

Ani Pastor Apollo, ginagamit lang ng mga komunista ang isyung ito upang masira at mapabagsak ang pamahalaan.

Dagdag pa rito, sinabi ng butihing Pastor na higit pa nga ang pang-aabusong ginawa ng rebeldeng komunista kaysa sa mga ginawang pang-aabuso ng militar.

“Anuman ang gawin ng komunistang teroristang grupong ito, hindi na mabubura ang ginawa ninyo for 53 years. Tapos inaha-highlight ninyo ‘yung nangyari sa martial law, ‘yung mga panahong ‘yun. Hanggang ngayon you are retrogressing to 1972. Wala na ‘yun, professional na ang military natin ngayon. Kahit noon professional ang military eh. Meron lang mga pag-aabuso kunti, hina-highlight ninyo hanggang ngayon, ‘yun ang kina-capital ninyo. Pero ang pang-aabuso ninyo is 1 million times kung ikukumpara sa abusong sinasabi ninyo na ginawa ng militar noong mga panahong iyon. 53 years nang-abuso kayo, 53 years, bakit hindi ninyo hina-highlight?” ani Pastor Apollo.

Sa huli ay hinamon ng butihing Pastor ang mga teroristang grupo na hindi lang ang pang-aabuso na naganap noong panahon ng martial law ang tuligsain nito bagkus ang mga ginawang karahasan, pang-aabuso at pagpatay rin ng CPP-NPA-NDF sa loob ng higit limang dekada.

“Kailangan i-highlight ninyo ang 53 years ninyong pananalasa, panlulupig, at pagpatay, pamumuksa sa bansang Pilipinas. ‘Yan ang dapat i-highlight ninyo  sa inyong selebrasyon. 53 years ginawa ninyo ‘yan,” ayon pa sa butihing Pastor.

“Ang SMNI lang ang nagha-highlight, totoo naman. Hindi kami nag-aakusa ng hindi totoo. At iha-highlight namin ang totoo, hindi namin ‘yan dinadagdagan. Kung ano lang ang totoo, siyang aming sasabihin,” dagdag ni Pastor Apollo.

Follow SMNI News on Twitter