Pilipinas, maaari nang mag-export ng canned pineapples sa Australia matapos ang 15 taon

Pilipinas, maaari nang mag-export ng canned pineapples sa Australia matapos ang 15 taon

MAAARI nang mag-export ng canned pineapples sa Australia ang Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang 15 taon.

Nagpasya ang gobyerno ng Australia na bawiin ang ‘anti-dumping’ duty na ipinataw nito sa mga Philippine-made canned pineapples.

Nangangahulugan ito na sa ilalim ng Asean-Australia-New Zealand Free Trade Agreement (AANZFTA), maaari na ngayong i-export ng Pilipinas ang mga canned pineapples na walang bayad sa Australia sa oras na mag-expire ang panukala sa October 17, 2021 para sa mga consumer canned pineapple, at sa November 13, 2021 para sa mga Food Service Industrial (FSI) canned pineapple.

Ang anti-dumping duty ay tumutukoy sa isang taripa na ipinataw ng isang bansa sa mga import na itinuring na mas mababa pa sa fair market value ng mga katulad na kalakal sa domestic market upang maprotektahan ang local manufacturers.

Unang ipinataw ng Australian government ang anti-dumping measure laban sa mga Philippine-made canned pineapples noong 2006 matapos nagsumite ng aplikasyon sa gobyerno nito ang Golden Circle Limited, ang nag-iisang tagagawa ng mga canned pineapples sa Australia.

Limang taong epektibo ang naturang hakbang. Ngunit noong 2011, pinalawig pa ito ng hanggang limang taon at na-extend din ng limang taon pa noong 2016.

Ngunit napagdesisyunan kamakailan ng Australian Anti-Dumping Commission (ADC) na wakasan na ang naturang panukala matapos mapag-alaman na ang expiration nito ay hindi magreresulta ng pagtatapon ng mga produkto o magsanhi ng material injury sa domestic industry.

Unang nireview ng ADC ang expiration ng anti-dumping measure laban sa mga canned pineapples ng Pilipinas noong January 25, 2021 matapos humiling pa ng limang taong extension ang Golden Circle.

Malugod namang tinanggap ni Agriculture Secretary William Dar ang naturang development at sinabing lalo itong magpapatibay sa trading relationship ng bansa sa Australia.

“Our trading relationship with Australia has been a healthy one, except for this kind of impediment that had blocked the entry of Philippine agriculture exports to that country,” saad ni Dar.

This is a most propitious opportunity for the Philippine pineapple sector, given its dramatic growth performance this past of couple of years,” dagdag nito.

Kasunod ng saging, nakakakuha rin malaking bahagi sa export market ang pinya dahil sa kakayahan ng bansa na mag-produce nito.

SMNI NEWS