NAGBABALA ang Department of Health (DOH) na maaaring mauwi sa muling pagtaas ng COVID-19 cases angpagkakampante ng publiko sa pagsunod sa minimum health protocols sa gitna ng pagbaba ng restriksyon katulad ng nangyari sa Europa.
Sa Talk to the People Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinaalalahanan ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na hindi sapat na rason ang bumubuting sitwasyon ng bansa sa COVID-19 para kalimutan na ang pagsunod ng health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.
Ani Duque ang hindi patuloy na pag-iingat ang naging partikular na rason kung bakit muling tumaas ang COVID-19 infections sa mga bansa sa Europa tulad ng United Kingdom, Germany, France, Italy at Spain.
Banggit ng health official hindi na nagsusuot ng face masks at wala ng social distancing ang mga indibidwal sa United Kingdom matapos niluwagan ng kanilang pamahalaan ang restriksyon para mapagana ang kanilang economic activities.
“Huwag po tayong tutulad doon po sa mga bansang Europa na kung saan ito ngayon ang epicenter ng global pandemic dahil sila ay naging pabaya sa kanila dati nang ginagawang minimum public health standards,” ani Duque.
Saad naman ng pangulo, hindi nakapaghintay ang mga indibwal sa Europa kung kaya’t hindi na nila tinuloy ang pagsunod sa health protocols sa kabila ng mga paalala ng mga eksperto.
“Sinasabi naman ng mga doktor, mga scientist na ang COVID ay nasa hangin pa, hindi pa nawala,” sinabi ni Duterte.
“Apurado kasi itong mga tao na ito (kaya) tinanggal na ‘yung requirement ng mask,” dagdag ng punong ehekutibo.
Umapela si Duque sa publiko na iwasan ang pagpunta sa mga lugar na kabilang sa 3C’s o closed spaces, crowded areas, at close-contact setting sa kabila ng pagluwag ng alert level sa Metro Manila.
Binigyang diin ng health secretary na maliban sa pagbabakuna, ang pagtugon sa pandemya ay dapat sabayan ng disiplinadong pagsunod sa health protocols na itinakda ng pamahalaan.
“Yan ang mga practical na bagay na hindi naman mahal kung iisipin natin. It doesn’t cost much and yet yung kanyang halaga sa pagprotekta ng ating kalusugan laban sa pandemyang ito ay napakataas,” saad ni Duque.