Pilipinas, makararanas ng maulan na panahon ngayong araw

MAKARARANAS ng maulan na panahon ang karamihan sa mga lugar sa bansa ngayong araw ng Lunes, Disyembre 27 dahil sa dalawang weather systems.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kabilang sa maapektuhan sa shear line ang Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Eastern Visayas, CARAGA, Aurora, Aklan, Capiz, Davao de Oro, at Davao Oriental.

Magdadala ito ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan habang makararanas din ng pagkulog ang nasabing mga lugar.

Samantala, magdadala naman ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan ang northeast monsoon o amihan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at sa iba pang bahagi ng Central Luzon.

Makararanas din ang Ilocos Region ng bahagyang maulap at maulap na kalangitan na may hiwa-hiwalay na bahagyang pag-ulan na dulot ng amihan habang ang iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap at maulap na kalangitan na may hiwa-hiwalay na pag-ulan dahil sa shear line o mga pagkulog.

Katamtamang lakas ng hangin patungong hilagang silangan ang iihip sa Luzon, Visayas at sa silangang bahagi ng Mindanao na may katamtaman hanggang sa malakas na alon ng tubig sa karagatan.

Makararanas din ang ibang bahagi ng Mindanao ng katamtamang lakas ng hangin na may mahina hanggang katamtamang alon ng karagatan.

Naitala ang pinakamababang temperatura sa 22.6°C at pin­­­akamataas sa 30°C.

FOLLOW SMNI NEWS Twitter