P55 hanggang P65 pesos kada kilo. ‘Yan ang presyuhan ng mga imported na bigas na makikita mo sa iba’t ibang palengke dito sa Metro Manila.
Ang karenderya nila Melody Querong ay nasa P15 na ang kada takal ng kanin na malayo sa P10 noong mga nakaraang taon.
“Kasi mataas na ang bilihin ng bigas lahat lalo na ang pangangailangan sa araw-araw tapos mababa ang sahod,” ayon kay Melody Querong, tindera sa karenderya.
Imported rice ang binibili ni Christian para sa kaniyang karenderya—‘di hamak aniya na mas masarap ito kumpara sa lokal na ani.
‘Yun nga lang daw at mapapapikit ka sa sobrang mahal ng presyo nito.
“Umaabuno na minsan, akala ko nga bababa eh hindi pa bumababa,” ayon kay Christian, may-ari ng karenderya.
Pero, kung matatandaan, naging kontrobersiyal ang ipinatupad na Executive Order 62 ni Marcos Jr. nitong 2024 na tutugon umano sa pagsipa sa presyo ng bigas.
Ito na rin ang naging dahilan kung bakit bumaha ng imported rice sa palengke kumpara sa sariling produksiyon natin dito sa Pilipinas.
Katunayan, naitala lang naman natin noong nakaraang taon ang ‘all time high’ na dami ng inangkat na bigas sa buong taon ng 2024.
As of December 31, 2024, umabot na sa halos 4.7 milyong metriko tonelada ng imported na bigas ang pumasok sa bansa na mas mataas sa 3.6 milyong MT noong 2023.
“So, very significant ‘yung reduction and ‘yung imports ay siyempre compensated siya sa losses natin because of El Niño, ‘yung sunod-sunod na bagyo at La Niña last quarter of the year,” pahayag ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Mga magsasaka, napabayaan na ng pamahalaan dahil mas tutok ito sa importasyon—FFF
Pero, kung ang grupong Federation of Free Farmers (FFF) ang tatanungin, hindi na prayoridad ng gobyerno ang mga magsasaka.
Patunay anila diyan ang sobra-sobrang imported na bigas sa mga merkado—dahilan kung bakit nababahala ang grupo lalo’t malapit ang anihan ng lokal na palay.
“Nalulunod na po ‘yung ating rice sector ng imported rice. Nakakabahala sa amin, parating na ‘yung anihan ng palay sa Marso baka itong pagbaha ng imported rice sa merkado ay magpapababa talaga sa presyo ng palay na apektado siyempre ang ating mga farmer. So, ibig sabihin talagang maraming pagkukulang,” wika ni Leonardo Montemayor, Chairman, Federation of Free Farmers.
Posibleng nangunanguna na nga aniya ang Pilipinas sa mga bansa na may pinakamaraming inangkat na bigas sa buong mundo.
“Kaya, ngayon tayo ‘yung may pinakamalaking importer ng bigas, ewan ko lang kung dapat ipagmalaki ‘yan.”
“Ang nagiging sentimyento ng marami sa ating magsasaka ay palaging parang mali rin ang direksyon ng Department of Agriculture,” dagdag ni Montemayor.
Kaya, huwag na aniya magtaka kung sa mga darating na buwan ay marami nang magsasaka ang hindi na magtatanim pa dahil sa hindi naman aniya sila nasusuportahan ng Marcos Jr. administration.
“Maraming farmers ang nagda-dalawang isip na whether advisable pa rin na magpatuloy sila sa kanilang pagsasaka o hindi kaya lipat muna sila sa ibang mga pananim o kaya mag-sideline muna sila.”
“Hindi magkakaroon ng lunas ang problema, ‘yung ating mga magsasaka ay naghihirap po sa kanilang pagsasaka,” aniya.