Pilipinas, nakapagtala ng mahigit 200 karagdagang Omicron subvariants

Pilipinas, nakapagtala ng mahigit 200 karagdagang Omicron subvariants

PATULOY na nakakapagtala ng bagong kaso ng Omicron subvariants ang bansa.

Sa naging ulat ngayon ng Department of Health (DOH), nakapagtala ang bansa ng 190 na nadagdag na kaso ng  BA.5.

Pagdating naman sa BA.4, 34 ang nadagdag na kaso habang 1 sa BA. 2.12.1.

Sa kasalukuyan umakyat na sa mahigit 37,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa  at sa daily average ay nakakapagtala ang Pilipinas ng mahigit 4,000 kaso.

Sinabi rin ng DOH na ang positivity rate sa buong bansa ay tumaas na ng 18.5 percent.

Maging sa ICU admission ay mayroon ng bahagyang pagtaas.

Ayon kay DOH OIC Usec. Maria Rosario Vergeire, mula sa 26 percent ay tumaas na sa 28 percent ang ICU utilization rate sa bansa.

Ang BARMM ay nakapagtala ng high risk ICU utilization rate.

Sa kabila ng pagtaas ng kaso at posibilidad na magpepeak pa ito sa mga darating na buwan, suportado pa rin ng DOH ang pagbubukas ng face to face classes sa Agosto 22.

Aminado si Vergeire na hindi masusunod ang physical distancing sa paaralan pero mayroon aniyang ibang kaparaanan para mapigilan ang transmission ng virus.

Inanunsyo naman ng DOH na nasa mahigit 72M na ng mga Pilipino ang fully vaccinated hanggang Agosto 11, kahapon araw ng Huwebes.

Pero sabi ni Vergeire, patuloy ang paspasang pagbabakuna nila lalo pa’t sa darating na mga buwan ay mayroong mga COVID-19 vaccine ang mag-e-expire.

Giit naman nito na base sa kanilang kalkulasyon, sasapat ang stock nilang bakuna para sa mga Pilipino na mangangailangan ng primary series at booster shot hanggang sa katupusan ng taon.

Sa darating na Lunes ay haharap naman ang DOH sa Senado para magbigay ng kumpletong report hinggil sa COVID-19 situation ng bansa at vaccination program ng pamahalaan.

Follow SMNI News on Twitter