SA unang taon ng Marcos administration, nakikilala na ang Pilipinas pagdating sa larangan ng siyensiya at teknolohiya ayon sa Department of Science and Technology (DOST).
Ayon sa DOST, kaya nang makipagsabayan ang Pilipinas sa ibang mga bansa dahil sa suporta ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa DOST, siniguro ng Marcos administration ang maayos na suporta mula sa pamahalaan para sa mga scientist at researcher bilang pagbibigay halaga sa kanilang kontribusyon sa national development ng Pilipinas.
Kinikilala ng administrasyong Marcos ang mahalagang papel ng Science and Technology at Research and Development para sa pag-unlad ng Pilipinas.
Dahil dito, ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na paiigtingin niya ang suporta sa mga Pilipinong scientist at researcher.
Isa nga sa mga bilin ni Pangulong Marcos sa DOST ang paglalaan ng malaking pondo para suportahan ang research and development sa bansa.
Ayon kay Usec. for Research and Development Leah Buendia, dahil sa suporta ng administrasyon ay nakikilala na ang Pilipinas pagdating sa larangan ng siyensiya at teknolohiya.
“We are starting to be competitive. Nakikilala ang ating bansa lalo na sa siyensiya at teknolohiya na ito ay kayang makipagsabayan na sa ibang bansa. Ang example namin diyan ay ‘yung mga applications na dinivelop natin for disaster,” ayon kay Usec. Leah Buendia, DOST.
Suporta ng gobyerno para sa mga Filipino scientist at researcher, tuluy-tuloy
Matatandaan din na hiniling ni Pangulong Marcos sa mga Pinoy scientists na huwag nang mangibang-bansa at manatili na lamang sa Pilipinas.
Siniguro ng Pangulo sa kanila ang maayos na suporta mula sa pamahalaan kapag sila ay nanatili.
Ilan sa mga programang patuloy na isinasagawa ng gobyerno para sa mga scientist ay ang Balik Scientist program at ang S&T Fellows program kung saan ay nabibigyan sila ng mas malaking kompensasyon.
“‘Yung S&T Fellows, binibigyan namin sila ng mas mataas na salary. Halimbawa, natapos sila ng PHD i-aassign namin sila sa isang research and development institute at binibigyan namin sila ng mas mataas na salary kaysa doon sa regular na position. At pagkatapos ay makakapaggawa pa sila ng research,” dagdag ni Usec. Leah Buendia.
Tuluy-tuloy na suporta ng gobyerno sa research and development ng bansa, ipinanawagan ng DOST
Bagaman may suporta ang kasalukuyang administrasyon sa ‘science and technology’ at ‘research and development’ ng Pilipinas, pero ayon sa DOST marami pa ang dapat gawin tungo sa kaunlaran ng bansa.
Kaya panawagan ng ahensiya kay Pangulong Marcos,
“Kaya kami rin ay nananawagan sa ating mahal na Pangulo na patuloy na suportahan ang siyensiya at teknolohiya lalo na ‘yung research at development, ‘yung paglinang at pagpapaunlad para mas mahigit pa nating matugunan ang pangangailangan ng ating mga industriya sa mas mabilis at mas maunlad pang paraan,” ayon kay Dr. Enrico C. Paringit, Executive Director, DOST-PCIEERD