Pilipinas, nananatili ang BBB+ credit rating sa kabila ng pandemya —Pangulong Duterte

Pilipinas, nananatili ang BBB+ credit rating sa kabila ng pandemya —Pangulong Duterte

NANANATILI ang BBB+ credit rating ng Pilipinas sa kabila ng kinakaharap na pandemya ng bansa dulot ng COVID-19.

Sa eksklusibong panayam ni Pastor Apollo C. Quiboloy kay Pangulong Rodrigo  Roa Duterte sa programang SMNI Exclusive, masayang ibinalita ng punong ehekutibo na BBB pa rin ang rating ng standard and poor’s (S&P) ng bansa.

Bagaman kulang anya ang pondo ng pamahalaan para matugunan ang lahat ng problema ay nanatili ang nasabing rating na ibig sabihin ay maaari pa ring makautang ang Pilipinas dahil sa kakayahan nitong magbayad.

“Despite of our maybe total lack of funds to address all the problems of governance, binigyan pa rin tayo ng BBB+ ibig sabihin yung rating natin sa borrowing , makahiram tayo ng pera. Alam nila makabayad tayo,” paliwanag ng pangulo.

Ito ang naging tugon ni Pangulong Duterte matapos papurihan ni Pastor Quiboloy ang mga nagawa ng pamahalaan sa gitna ng krisis pangkalusugan.

Ayon sa butihing Pastor, kabilang sa mga ito ay ang mga napagawang imprastraktura, pagsasaayos ng pampublikong transportasyon, paglilinis ng kapaligiran at marami pang iba.

“Kung hindi tayo inabot ng pandemic, ano pa yung magagawa ninyo, doble pa siguro, kasi inspite of the pandemic eh nagawa ninyo ito, ang nagawa nyo ngayon,” giit pa ng butihing Pastor.

Ang Standard and Poor’s (SP) ay isang credit rating agency na nagbibigay  ng  grado para sa mga nangungutang na mga pribado at publikong kompanya , kabilang na ang mga gobyerno at mga government entities.

Ang BBB na rate ay nangangahulugan na may sapat na kakayahan ang isang bansa na mabayaran ang kanyang pagkakautang.

(BASAHIN: R&I, saludo sa reform agenda ng Pilipinas na napanatili ang ‘stable’ rating)

SMNI NEWS