IBINIDA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nangunguna ang Pilipinas sa economic recovery at economic performance sa buong mundo.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Marcos na bahagi na ng ‘VIP Club’ ang Pilipinas bunsod ng mahusay na pagganap ng ekonomiya.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kaniyang arrival speech matapos ang matagumpay na pagdalo sa World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland.
“Our WEF engagement has enabled the many leaders and experts in government, in business, civil organization and in the academe that were in attendance to receive the good news that the Philippines is leading economic recovery and performance not only in the Asia-Pacific but also in the whole world,” ani Pangulong Marcos.
Sa kaniya pang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na ang delegasyon ng Pilipinas ay nakapagbahagi ng kanilang pananaw at karanasan sa pagiging isang matatag na masisipag na indibidwal, na nagkakaisa sa gitna ng kahirapan at sa panahon ng krisis.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang economic team ng administrasyon na kinabibilangan nina Finance Secretary Benjamin Diokno, Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual at National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan.
Sa kanyang pagbisita sa Davos, itinampok ni Pangulong Marcos ang mga patakaran ng administrasyon, kabilang ang 8-Point Socioeconomic Agenda at iba’t ibang mga patakaran at batas na nagbibigay-pansin sa mga repormang pang-ekonomiya ng Pilipinas na nagdala sa bansa sa patuloy na paglago nito.
Kasama rin sa naging highlights sa pagtalakay ni Pangulong Marcos sa WEF ang patungkol sa Philippine Development Plan.
Pilipinas, bahagi na ng ‘VIP Club’ bunsod ng mahusay na economic performance sa Southeast Asian countries
Samantala, ipinagmalaki ni Pangulong Marcos na parte na ang Pilipinas ng tinatawag na “VIP Club,” na isang listahan ng mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamahusay na economic performance.
Inihayag ito ni Pangulong Marcos base aniya sa sinabi ng economic leaders sa dinaluhang WEF.
Dagdag pa ng Chief Executive, ang paglahok ng Pilipinas sa WEF sa Davos ay nagsilbing mahusay na plataporma upang ipakita ang malakas na pagganap ng ekonomiya ng bansa.
“Mabuti naman at nakapunta tayo rito, dahil sa pagpunta natin, nasama tayo sa tinatawag nilang VIP Club… ‘Yung VIP Club ay Vietnam, Indonesia, and Philippines. Yun daw ang pinakamagandang ekonomiya sa Asya,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ibinahagi rin ng Punong-Ehekutibo na nakadaupang-palad niya ang global leaders sa pandaigdigang forum, kasama ang ilang dayuhang mamumuhunan na nagpahayag ng intensyon na mag-explore ng mga oportunidad sa negosyo sa Pilipinas.
“Napakaganda ng mga naging pangyayari dahil napakarami naming nakilala at nakausap na mga sikat na mga economic leaders at mga political leaders at nandito silang lahat,” aniya pa.
Nakapulong din ni Pangulong Marcos si WEF Founder at Chairman Emeritus Klaus Schwab, na ikinokonsidera niyang isang magiliw na kaibigan ng Pilipinas.
Natalakay ng dalawa ang patungkol sa partnerships at kolaborasyon upang tulungan ang Pilipinas na mapanatili ang pantay at inklusibong paglago at magbigay ng mas magandang kalidad ng buhay para sa mga Pilipino.
Nagkaroon din ang Chief Executive ng oportunidad na makipagkita at makipagpalitan ng kuru-kuro sa ilang pinuno ng mga bansa at organisasyon.
“I had the opportunity to meet and exchange views with a few leaders of countries and organizations, such as WTO Director-General Ngozi Okonjo-Iweala, World Bank Managing Director for Operations Axel Van Trotsenburg, IMF Managing Director Kristalina Georgieva, and former UK Prime Minister Tony Blair, to align and agree to push for common priorities and support the multilateral trading system to benefit all,” saad ng Punong Ehekutibo.
Kumpiyansa rin si Pangulong Marcos na ang mga isinagawang pulong at dayalogo tungkol sa katayuan ng Pilipinas sa napapanahong mga isyu ay magbubukas ng maraming oportunidad para sa bansa.