Pilipinas, nasa “very low risk” vs COVID-19 – OCTA

Pilipinas, nasa “very low risk” vs COVID-19 – OCTA

KABILANG na ang bansang Pilipinas sa maituturing na nasa “very low risk” kontra COVID-19.

Ito ay batay sa datos ng OCTA Research Group, kung saan sa Twitter post ni Dr. Guido David ay nasa 0.47 na lamang ang average daily attack rate (ADAR) ng bansa noong Marso 18 na may seven-day average na 527 kaso.

Kasama rin sa mga bansa na very low risk ay ang China, Timor Leste, Taiwan at Cambodia habang nakararanas ngayon ng  surge ang bansang Vietnam, Malaysia, Singapore, Brunei, South Korea at Hong Kong.

“Very high” naman ang Japan at Thailand na may ADAR na 39.68 at 34.18 habang “moderate” risk naman sa COVID-19 ang Indonesia at Laos habang “low risk” ang Myanmar.

Sa datos hanggang Marso 20, nasa 577 na lang ang bagong kaso ng bansa laban sa virus habang 240 ang namatay at 467 ang gumaling sa mas nakahahawa at nakamamatay na virus.

Habang ang lungsod ng San Juan at Pateros ay walang naitalang new cases kahapon ng Linggo habang hindi na rin umaabot sa isang daan ang mga naitatalang bagong kaso sa lungsod ng Makati, Pasay, Parañaque, Manila, Quezon City, Caloocan, Taguig, Pasig, Las Piñas, Mandaluyong, Malabon, Muntinlupa, Marikina, Navotas at Valenzuela.

Matatandaang, pinag-aaralan na rin ng pamahalaan at ilang eksperto ang posibilidad na ibaba sa Alert level 0 mula sa kasalukuyang Alert Level 1 ang National Capital Region at ilang karatig lalawigan.

Sa kabila nito patuloy pa rin ang paalala ng pamahalaan na huwag maging kampante dahil hindi pa nawawala ang banta ng COVID-19.

Matatandaang, noong Martes una nang inanunsyo ng Department of Health (DOH) na lahat ng lugar sa Pilipinas ay maikokonsidera nang low risk sa virus.

Follow SMNI News on Twitter