Pilipinas, nilinaw na walang isinukong teritoryo sa WPS—NMC

Pilipinas, nilinaw na walang isinukong teritoryo sa WPS—NMC

PANANATILIHIN ng Pilipinas ang presensiya nito sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay sa gitna ng pag-alis ng BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Escoda Shoal.

Una nang ipinahayag ng PCG na hindi ito withdrawal kundi pag-reposition lang ng barko.

Sinabi naman ni National Maritime Council (NMC) spokesperson Alexander Lopez na kapag sinabing presensiya ng Pilipinas sa lugar, hindi lang ito physical presence kundi kasama na ang strategic presence.

“I just want to clear that kapag sinabi natin presence, magpapadala lang ng isang barko. Sinabi ko nga kanina napakalaki ng lugar. That is part of modalities natin kung papaano we can come up with our maritime domain awareness- meaning a good picture of the West Philippine Sea,” pahayag ni National Maritime Council (NMC) spokesperson Alexander Lopez.

Kasabay rito, nilinaw ni Lopez na walang isinukong teritoryo ang Pilipinas matapos ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua.

“Hindi naman in a sense na concern kasi ang iniisip natin, dahil umalis, ‘iyon ay giniveup na natin. Hindi, mali ‘yung ganoon pananaw. Wala tayong gini-giveup. Kahit umalis ‘yung Teresa Magbanua doon, it did not diminish our presence there dahil may ibang paraan para i-monitor, i-cover ‘yung area,” ayon pa kay Lopez.

Samantala, binanggit naman ni Lopez na kaya na ng isang barko na mamonitor ang kabuuang Escoda Shoal pero maliban dito, may dagdag din na assets o tulong mula sa ibang tropa ng pamahalaan gaya ng PCG, Philippine Navy (PN), at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kasama rin sa hakbang ng Pilipinas upang mamonitor ang pinagtatalunang teritoryo ay ang humingi ng tulong sa mga kaalyadong bansa.

Umalis sa Escoda Shoal ang BRP Teresa Magbanua bunsod ng hindi magandang panahon at kakulangan ng suplay sa pagkain at inumin na nagiging dahilan kaya nagkakasakit ang ilang tauhan na naroon.

Naka-istasyon sa Escoda Shoal ang BRP Teresa Magbanua mula noong Abril dahil sa mga ulat ng reclamation activities ng China sa lugar.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble