MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang kolaborasyon ng public-private sector upang gawing major player ng electric vehicle industry ang Pilipinas.
Ito ay sa gitna ng nakikitang potensiyal ng bansa pagdating sa produksiyon ng electric vehicle (EV).
Sa ginanap na 4th meeting kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Job Sector Groups sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na magiging bahagi na ang Pilipinas ng global chain para sa electric vehicle dahil mayroon itong potensiyal sa naturang industriya.
Gayunpaman, inilahad ng Pangulo na ang consumers’ demand na kumuha ng enerhiya mula sa green energy ay maaaring magdulot ng hamon sa paghahangad ng isang EV industry sa bansa.
Upang matugunan ang mga hamon, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan para sa pribadong sektor at pamahalaan na maging tapat sa pagsasaalang-alang sa isyu.
Kaya naman, inatasan ni Pangulong Marcos ang PSAC-JSG na magsumite ng kumpletong listahan ng mga panukala upang matugunan ang pangangailangan para sa green energy.
Ang PSAC-JSG ay gumawa ng pangako na pag-aralan pa ang panukala at patuloy na makipagtulungan sa kanilang mga consultant upang mabigyan ang Pangulo ng mas magandang plano.
Kabilang sa kinatawan ng pribadong sektor na nasa pulong ay sina Sabin Aboitiz ng Aboitiz Equity Ventures Inc., Joey Concepcion III ng RFM Corp., Alfredo Ayala ng AC Education Inc., Kevin Tan ng Alliance Global Inc., Teresita T. Sy-Coson ng SM Investments Corp. at iba pa.
Si Anthony Oundijan ng Boston Consulting Group naman ay nagsilbi bilang PSAC-JSG resource person ng konseho.
Nakipagpulong ang advisory council sa Pangulo upang talakayin ang mga update sa mga naunang rekomendasyon nito at upang ipakita ang mga bagong iminungkahing estratehiya para mapabilis ang paglikha ng trabaho sa bansa.
Partikular dito sa sektor ng agrikultura, information technology at business process management, manufacturing, maritime, at automotive.
Ibinigay ng PSAC-JSG ang suporta nito sa prayoridad ng administrasyon sa pagmamanupaktura ng sasakyan na kinabibilangan ng mga internal combustion engine at EV o electric vehicle.
Inirerekomenda rin ng PSAC-JSG ang pagsasagawa ng data-driven case studies data-driven para sa top opportunities sa EV value chain.
Kabilang sa mga bagong rekomendasyon ng konseho ay ang pagsuporta sa pagsulong ng gobyerno sa pagmamanupaktura ng EV na may panukalang tingnan ang 17 downstream at upstream na industry development opportunities.
Pito sa 18 common automotive components na bahagi ng isang sasakyan ang ginagawa sa Pilipinas, na may isa sa apat na internal combustion engine (ICE) na partikular na bahagi na lokal na gawa.
Sa kaso ng Pilipinas, may malalaking mga oportunidad sa pagpapalawak ng copper mining at refining, copper-heavy component manufacturing, pagpapalawak sa electrical component manufacturing, software development at pati na rin sa delivery centers.
Pang-apat ang Pilipinas sa copper reserves sa buong mundo, na may tatlong planta na nakatakdang pataasin ang produksiyon ng 10 beses sa 2027.