WALA pang nadidiskubreng bagong coronavirus variant sa Pilipinas ayon sa inihayag ng Department of Health (DOH) at Philippine Genome Center (PGC).
Ito ay sa kabila ng mga haka-haka na nasa bansa na ang UK variant ng SARS-COV-2 virus.
Ayon sa DOH, base sa lineage analysis sa pamamagitan ng whole genome sequencing na isinagawa ng PGC, walang UK coronavirus variant na na-detect sa 305 positive samples na isinumite sa kanila mula sa siyam na institusyon.
Sinabi ng DOH na ang 305 samples na sinuri ng PGC ay binubuo ng positive samples mula Nobyembre hanggang Disyembre hospital admissions at mula sa inbound travelers na nagpositibo pagdating sa paliparan.
Samantala, sinabi ni Health department na nakikipag-ugnayan na sila sa International Health Regulation focal point ng Hong Kong upang makakuha ng official notifications at iba pang pertinent information ukol sa Hong Kong resident na nagpositibo sa variant kasunod ng travel history sa Pilipinas.
Nanawagan naman ang DOH sa lahat ng local government units at transport regulators na patuloy na ipatupad ang health protocols sa lahat ng lugar.
Sinabi ng DOH na ang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) ang best measure upang mapigilan ang transmission ng variant at mabawasan ang oportunidad sa virus mutation.