Pilipino, hindi naramdaman ang pagbagal ng inflation rate nitong Hunyo

Pilipino, hindi naramdaman ang pagbagal ng inflation rate nitong Hunyo

BUMAGAL ang inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa noong nakaraang buwan ng Hunyo.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) bahagyang bumaba ng 3.7% ang inflation kumpara noong Mayo ng 2024 at Hunyo 2023.

Ang pangunahing dahilan umano ng pagbaba ng inflation ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng pabahay, tubig, kuryente, gas, at iba pang produktong petrolyo.

Bukod diyan, may kaunting pagbaba rin sa inflation rate ng bigas noong nakaraang buwan.

 “Of course, ‘yung rice while bumababa siya hindi naman ganon kalaki. Ang bigas ang ating weight diyan ay 8.9% ito ay nasa 22.5% na inflation rate niya noong Hunyo mula sa 23%. So, while it decreases the reduction is small,” ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician and Civil Registrar General.

Naniniwala ang Department of Agriculture (DA) na malaki ang maitutulong ng malawakang implementasyon ng P29 program at rice-for-all program para magtuluy-tuloy umano ang pagbagal ng inflation sa bansa.

Nasa 30% ng populasyon ng mga Pilipino ang makikinabang rito na tiyak na makakahatak umano sa inflation.

“Itong P29 at Rice for all alam natin na 25% effect ng bigas doon sa overall inflation basket at magkakaroon ito ng impact. Sir, ‘yung effect ay mas lalong bababa in the coming months? Yes, dahil malaki ang percentage ng food items sa inflation at ‘yung bigas ay significant din ‘yung proportion niya,” ayon naman kay Asec. Arnel De Mesa, Spokesperson, DA.

Ayon sa PSA, bahagyang bumagal ang inflation rate ng bigas noong nakaraang buwan. Pero, kung ang mga Pilipino ang tatanungin ramdam ba kaya nila ang pagbaba sa presyo ng bigas?

 “Hindi po, parang walang pagbabago eh. Kasi, ‘yung binibili kong dating P50 naging P52, P53 na lalong tumaas,” ayon kay Imelda Jaca, mamimili.

Sa panig naman ng PSA, hindi pa nila masabi sa ngayon kung sa susunod ba na mga buwan ay bababagal pa ang inflation sa bansa.

Iba’t ibang factors pa kasi ang kailangan nilang tingnan na posibleng makaapekto sa kabuuang inflation.

Sa ngayon, bagama’t bumaba ang kabuuang inflation ay tumaas naman ang inflation partikular naman sa food at non-alcoholic beverages, gulay, at karneng baboy.

“Yung meat weight ay second siya sa mataas na dito sa ating food basket. Ito ay may weight na 6.4% at ‘yung vegetables ay 2.8%. Ito ‘yung nga puwede natin na mga risk factor para sa future inflation in particular in the month of July,” ayon kay De Mesa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble