Iniulat ng Commission on Elections (COMELEC) Quezon City branch na posibleng maging automated na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Oktubre.
Ito ang sinabi ni Atty. Kevin Tibay ng COMELEC QC na ang posibleng pilot area nito ay sa Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Ayon kay Tibay, layon nitong masuri kung mapabibilis at magiging maayos kung automated ang eleksiyon sa susunod na BSKE.
Sa pamamagitan din nito ay masosolusyunan na ang ilang problemang sumusulpot sa tuwing idinaraos ang halalan.
Ito ay alinsunod na rin sa pinagtibay na en banc resolution ng COMELEC na nagtatakda ng tatlong pilot barangays sa buong bansa.
Una na ring sinabi ng COMELEC na plano ring magsagawa ng automated election sa dalawang lugar kabilang na ang Brgy. Zone II, Poblacion at Paliparan III sa Dasmariñas, Cavite.
Bukas naman dito ang Quezon City government kung saan handa ito na umalalay sa ganitong hakbangin ng COMELEC para magkaroon ng maayos na BSKE sa lungsod.