ABALANG-abala ang OFW Lounge sa Terminal-1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pagbibigay serbisyo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) para sa bagong OWWA E-card na Version 2.
Nitong Hunyo 5, 2024 sinimulan ang pilot testing sa bagong OWWA ID card.
Sinabi ni JP Eben ng Management and Information System Division ng OWWA, maraming benefits ang makukuha ng mga OFW na magiging member dito.
Lalo ng kung may mga transaksiyon kung saan makakabenepisyo ang isang OFW na OWWA member.
“’Pag meron po kayong OWWA E-card is lehitimo kayong member ng OWWA, ang OWWA E-card namin is lifetime po sya, walang expired, ang nag e-expired lang po is ‘yung membership na nire-renew every 2 years” pahayag ni John Paul June Eben, Management & Information System Div., OWWA.
Paglilinaw rin ng OWWA, malaki ang pinag-iba ng Overseas Employment Certificate (OEC) sa OWWA E-card.
Ang OEC ay nakukuha lamang sa Department of Migrant Workers (DMW) bilang isang exit clearance habang ang OWWA ay isang insurance membership na binabayaran ng mga OFW ng $25 o higit P1,400.
Ang isang OFW na miyembro ng OWWA ay maaring mag-avail ng OWWA E-card na itinuturing na valid ID sa lahat ng mga transaksiyon.
“Ang ibig sabihin ng primary ID ‘yan po ay tatanggapin po sya kahit saan, hindi po sya pwdeng tangihan, meron lang tayo niyan sa Pilipinas is apat, driver license, SSS, passport and then OWWA IDs sa apat na ‘yan dalawa lang ang hindi na-eexpired SSS at saka OWWA E-card,” dagdag ni Eben.
Ilan sa mga OFW na nag-aantay sa kanilang departure flight habang nasa lounge ang masayang nakakuha ng OWWA E-card.
Hindi lalagpas sa isang oras ang pagkuha ng ID kahit mahaba ang pila.
“Super masaya na ako kasi may hawak na akong ID,” wika ni Cherito Morauda, OFW.
“Masaya po kasi, madali itong makatulong sa mga bumabalik dito sa Pilipinas,” saad ni ACE, OFW.
“Magagamit na natin ito sa mga benepisyo tulad kung OFW mabilis ang aksyon para sa kung anong benepisyong makukuha natin,” ayon kay Emma Herrera, OFW.
Sa huling tala, nasa mahigit 1,700 na OFW ang nakakuha na ng bagong version ng OWWA E-card.
Sa ngayon kasi, nasa NAIA Terminal-1 ng OFW Lounge ang issuance ng OWWA E-card.
Inaasahan din sa mga susunod na linggo na mabubuksan na rin ang pagbibigay serbisyo ng bagong OWWA ID sa NAIA Terminal-3 ng OFW lounge.
“Inaanyayahan ko po ang lahat ng OFW na mga new hero, na kayo ay dumaan dito sa OFW Lounge mag apply po kayo ng OWWA ID, ito po napakabilis lang po, mag prepare lang po kayo ng OEC, passport para to verify ang inyong record ito po ay para sa inyong lahat,” dagdag ni Eben.